Siniguro ng gunman na pumaslang sa isang 35-anyos na ginang na nagbebenta umano ng iligal na droga na hindi siya makikilala sa closed circuit television (CCTV) matapos na magpayong para hindi makita ang kanyang mukha habang binabaril ang biktima, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jonathan Ruiz ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, may nakuha pang isang sachet ng shabu sa bulsa ng biktimang si Carolyn Tapia, 35, ng 695 Int.10 Laguna Ext., Tondo.

Inilarawan lamang ang suspek na armado ng kalibre .45 baril, naka-printed na puting long sleeves at brown shortpants.

Naganap ang insidente dakong alas-4:41 ng hapon sa 1100 Old Antipolo St., sakop ng Barangay 228-Zone 21 sa Tondo.

Ayon sa ka-live-in ng biktima na si Melchor Barbosa, 35, nakaupo ang biktima sa karinderya nang dumating ang suspek at pinagbabaril ito.

Ayon naman kay Marivic Fetinus, 50, nakita niyang tumakas ang suspek na may nakaharang na payong sa mukha.