Ikinabahala ni Senadora Leila de Lima ang paglobo ng pagpaslang sa mga abogado, prosecutor at judge sa bansa.
Dahil dito, inihain ni de Lima ang isang resolusyon para ipasiyasat sa kinauukulang komite sa Senado ang mahabang listahan ng mga biktima ng pag-atake sa nasabing hanay.
Nakapaloob sa Senate Resolution No. 1031 ang imbestigasyon sa pagpaslang kay Atty. Rex Jasper Lopoz ng mga hindi nakilalang gunmen noong March 13, human rights lawyer Benjamin Ramos, at environmental lawyer Mia Manuelita Mascarinas-Green.
“While initially hunting down drug users and drug lords, the killings would spread across sectors – with one pillar of defense after another being toppled down in brazen impunity,” pahayag ni de Lima.
Kasabay ng paghahain ng resolusyon ay hinimok ni de Lima ang Senado na maglaan ng sapat na hakbangin para matugunan at matiyak ang personal at professional safety ng mga Filipino lawyer nang sa gayon ay tuluyan nang maiwasan ang anumang pag-atake sa kanilang independence at security. (Anne Lorraine Gamo)