Kinastigo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) sa Legazpi City na nagpapalaya kay dating Daraga, Albay mayor Carlwyn Baldo, ang tinuturong utak sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.
Hiniling din ng grupo kay Legazpi City RTC Branch 10 Judge Ma. Theresa Lloquillano na rebyuhin ang kanyang desisyon na payagang makapagpiyansa si Baldo.
Si Baldo ay nahaharap sa dalawang kaso ng murder dahil sa pagpaslang kay Batocabe, at kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz, noong Disyembre ng nagdaang taon.
“The VACC assails the decision of the court and ask for review by the same court otherwise it will be elevated to higher courts,” sabi ng grupo sa isang statement.
Si Baldo ay pinayagan ng korte na makapagpiyansa ng tatlong milyong piso sa kasong murder at inaasahang palalabasin na ng kulungan nitong Lunes, apat na buwan matapos siyang arestuhin at kasuhan.
Kinondena ng Ako Bicol Party-list group ang desisyong ito ng korte.
“We are shocked to learn that Legazpi City RTC Branch 10, on August 30, 2019, ordered the release on bail of Baldo despite no less than ALL the accused-conspirators point to him as the mastermind of the killing,” sabi ni AKO Bicol Representative Alfredo Garbin Jr.
“We cannot fathom how the judge could have made such a ruling when the evidence is overwhelming against Baldo,” dagdag pa nito.
Pumalag din ang pamilya ng pinaslang na si Batocabe sa pagpayag ng hukuman na makapagpiyansa ang utak sa pagpatay na si Baldo.
(Dindo Matining)