Pagpupugay sa magigiting na mga frontliner!

Sulat-Kay-Editor-ABANTE

Dear Abante Tonite:

Nais kong pasalamatan ang ating mga magigiting na frontliner (medical and non-medical) sa mga sakripisyong ibinibigay nila sa paglaban sa COVID-19. Mataas ang respeto ko sa mga frontliner ng ating bansa dahil napakahalaga ng kanilang mga gampanin at tungkulin sa krisis na ating kinakaharap ngayon.

Ngayong Araw ng Kagitingan, maliban sa paggunita sa kadakilaan ng ating mga kasundaluhan na nagbuwis ng kanilang buhay noong World War II ay dapat din nating bigyan ng pagpupugay ang ating mga frontliner na hindi sumusuko at patuloy na nakikipaglaban sa kalabang hindi natin nakikita.

Saludo po ako sa inyo! Kasama niyo ako sa labang ito at bilang isang Pilipino, gagawin ko ang aking parte. Susunod ako sa mga alituntuning ibinibigay ng ating pamahalaan para mabilis na mapuksa ang COVID-19.

Sa aking mga kababayan, panahon na po para tayo ay magkaisa para labanan ang COVID-19. Magtulungan po tayo para hindi na po tumaas pa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa.

Gaya nang nangyari noong World War II, naniniwala akong mananalo rin tayo sa laban na ito. Sa dami ba naman ng napagdaanan na nating mga sakuna, kalamidad at krisis nitong mga nakaraang taon, alam kong malalagpasan din natin ang pagsubok at hamon sa ating buhay ngayon.

Laban lang! Kaya natin ‘to!

Sheila Mae Viernes