Pagpupugay sa mga bayaning walang pangalan

Bernard Taguinod For the Record

Isang pagpupugay sa mga nasawing sundalo at pulis sa Marawi siege sa Araw ng Kalayaan na ating ginunita kahapon. Pagpupugay din sa mga sundalong patuloy na nagtataya ng buhay laban sa mga tero­ristang Maute at Abu Sayyaf Group.

Dapat din nating patuloy na pagpugayan ang mga ninuno natin na nagbuwis ng buhay para makamit ang kalayaang tinatamasa natin sa loob ng 119 taon lalo na ‘yung mga walang pangalang bayani na taga-sunod ng mga lider na lumaban sa Kastila.

Iilan lang ang bayaning kilala natin dahil tanging sila ang idineklarang bayani ng mga Filipino dahil sila ang namuno sa pakikipagdigma laban sa mga nanakop sa ating Inang Bayan.

Pero sila ang malakas na puwersa kung bakit nagtagumpay ang mga bayaning iniluklok sa pedestal subalit dahil mga taga-sunod lang eh at hindi nailista ang kanyang pangalan, nakalimutan sila ng sambayanang Filipino.

Ito ang mga bayaning pinagpupugayan ko nang husto dahil kung hindi sa kanila ay hindi lumakas ang puwersa ng ating mga ninunong nag-aklas laban sa mga Kastila, sa mga Amerika at Hapon.

‘Yung mga namatay sa Marawi, darating ang araw na makakalimutan natin sila pero sila ay mga baya­ning sinasaluduhan ko dahil sila ang nasa front line at direktang lumalaban sa mga kalaban.

Anuman ang maging tagumpay sa Marawi siege, ay hindi makakamit kung wala ang mga ordinaryong sundalo na handang magbuwis ng buhay para sa ating bayan kaya isang mainit na pagsaludo sa inyong lahat. Mabuhay kayo!

***

Tama sila si Sen. Ping Lacson, wala bang kadala-dala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre? Hindi na nagbabago ang Kalihim at lumalabas na siya pa ngayon ang source ng fake news dahil sa kanyang pinaggagawa.

Co-terminus lang si Secretary Aguirre kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ibig sabihin sa 2022 ay tapos na rin ang kanyang termino sa DOJ… kung hindi siya sisibakin ng maaga.

Ibig sabihin, hindi panghabambuhay ang mama sa DOJ at darating at darating ang araw na matatapos ang termino niya pero itinotodo niya ang oras niya sa ahensya na para bang wala nang katapusan.

Hindi na ako magtataka kung darating ang araw kung gagawin din sa kanya pagbaba niya sa puwesto ang mga ginagawa niya sa kapwa tulad ng pag-aakusa nang walang basehan o hindi bineberipika.

Kung magbabasa lang sa social media si Aguirre, malalaman niya kung papaano siya pinaglalaruan ng mga netizens na obvious na hindi nagugustuhan ang kanyang mga pinaggagawa.

Kung ang misyon lang ni Aguirre kaya siya nasa DOJ ay resbakan ang mga kritiko ng administrasyong kanyang pinaglilingkuran, ang talo dito ay ang sambayanang Filipino.

Ayaw ba niyang gayahin si Jose Abad Santos, na naging Justice Secretary noong 1938 hanggang 1941 na nagsabi sa kanyang anak bago siya pinatay ng mga Hapon na “Do not cry Pepito, show to these people that you are brave. It is an honor to die for one’s country. Not everybody has that chance”. Sinasayang mo ang pagkakataon Secretary Aguirre. (dpa_btaguinod@yahoo.com)