Pagputok ng caldera tinanggi ng Phivolcs

Itinanggi ng the Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang sinasabing posibilidad na malawakang pagsabog ng Taal Caldera, kung saan nakapaloob ang Taal Lake.

Sa press conference nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Mariton Bornas, hepe ng Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division na ang Taal Volcano ay hindi lamang ang pulo, kasama rin dito ang ma­laking sinasabing caldera na kinabibilangan ng mga dalisdis sa harap ng Tagaytay at sa paligid ng bulkan.

“Ang typical po na repose ng caldera ay nasa hundreds of thousands of years… ‘yung probabilities po na mag-activate sila ay napakaliit parang hindi po natin dapat ina-alarm ang ating mga kababayan na maaaring itong malaking caldera ang puputok,” paglilinaw ni Bornas.

Sa datos mula sa Phivolcs, ang Taal Caldera ay may sukat na 25 kilometro sa kabuuan at may hubog na 140,000 hanggang 5,380 (before present).
Kasabay nito, sa bulletin na inilabas alas-singko nang hapon (Enero 17), mahina pa rin ang inilalabas na usok ng Bulkang Taal patungo sa direksiyon ng timog kanluran, nitong Biyernes nang umaga, ayon sa huling bulletin ng Phivolcs.

Samantala, binigyan lang ng 4 oras ng mga awtoridad ang mga residente para makabalik sa mga bahay at makuha ang mga gamit, ala­gang hayop. Pinapayagan lamang sila mula alas-6:00 hanggang alas-10:00 nang umaga.

Samantala, patuloy ang Philippine Natio­nal Police Maritime Group sa pag-rescue sa may 100 pang buhay na hayop na naiwan sa isla ng Taal.

Hanggang kahapon, ilang kabayo, aso, baboy, manok ang naisalba mula sa isla su­balit napilitan ding ibenta ng mga may-ari sa murang halaga dahil sa tuluyang pagkaubos ng kanilang kabuhayan. (Dolly Cabreza/ Ylou Dagos)