Naisumite na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin kay Senate President Tito Sotto ang kopya ng ilan sa mga napagtibay na kasunduan para masuri ng Senado.
Kasabay ito ng resolusyon na isusumite ngayong linggo ng Minority group para repasuhin ang mga kasunduan sa harap ng panawagan ng tranparency.
Ayon sa Senate Minority Leader, dahil may mga record na ang China sa mga maanomalyang kontrata noong mga nagdaang administrasyon, dapat lang alamin ng Senado kung consistent sa Konstitusyon at sa ating mga batas ang napagkasunduan ng dalawang lider.
December 12 ang pagtatapos ng sesyon para sa Christmas break kaya magdo-double time ang mga Senador sa pagrepaso sa mga agreement ng Pilipinas at China.
Dahil hindi na matatalakay ang 2019 proposed national budget dahil sa delay sa Kamara, may pagkakataon ang mga Senador na mahimay ang mga kasunduan ng dalawang bansa.
Sa panig ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pinaghahanda na nito ang mga miyembro ng gabinete na humanda sa pagbibigay ng paliwanag sa sandaling himayin na nila sa Enero ang panukalang budget para sa 2019.
Sabi ni Recto, sa budget deliberations, hindi maiiwasan na matalakay ang mga agreement na pinagtibay ng dalawang bansa kaya dapat handa ang mga Cabinet member lalo na sa mga ahensiya na may direktang papel sa mga proyektong popondohan ng China.
Giit ni Recto, dapat ma-i-detalye kung ano ang pakinabang ng publiko at kung may price tag ba ang mga commitment na binigay ng China.
Karamihan sa mga dokumento na napirmahan ay may kinalaman sa loan agreement na kung hindi masusing pinag-aralan, sa mga darating na taon, taong-bayan ang magbabayad maging ang napakataas na interes.
Dapat mailatag din kung ano ang kasunduan ng Pilipinas at China sa pinalakas na kampanya laban sa illegal drugs at ang sangkaterbang Chinese nationals na iligal na nagta-trabaho sa bansa.