Senyales na umano na malapit nang magwakas ang mundo dahil sa delubyong nararanasan sa iba’t ibang panig ng daigdig kabilang na ang pagputok ng Taal Volcano, ayon kay House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva.

Ginawa ni Villanueva ang pahayag bago mag-adjourn ang Kamara sa ginawa nitong out of town session sa Batangas City noong Miyerkoles nang hapon.

Giit ni Villanueva na founder the Jesus is Lord (JIL) Church, ang mga nararanasang kalamidad sa mundo gaya ng lindol, malalakas na bagyo, tsunami, iringan ng mga bansa, at maging ang pag-aalburuto ng Bulkang Taal ay mga senyales na papalapit na ang ikalawang pagbalik ni Kristo at hudyat na malapit na ang araw ng paghuhukom.

“Ang sangkatutak pong disasters, calamities na dumarating sa iba’t ibang bansa katulad ng lindol, ka­tulad ng floods, katulad ng tsunami at lahat-lahat na po… ito po ay bahagi ng second coming of Jesus sa Matthew chapter 24,” wika ni Villanueva matapos ang kanyang manifestation sa plenaryo sa Batangas City Convention Center.

Nakasulat sa ika-24 na kapitulo ng ebanghelyo ni San Mateo sa bagong tipan ng Bibliya ang diskurso patungkol sa ‘Great Tribulation’ kung saan samu’t saring sakuna, kalamidad, digmaan at iba pang trahedya ang umano’y mangyayari sa maraming sulok ng daigdig bago ang tinatawag na ‘second coming’ ng Panginoong Hesukristo, kasunod ng araw ng paghuhukom.

Dagdag pa ni Villanueva, ang mga nararanasang delubyo ay kakambal na rin ng ‘curses of sin’ o sumpa ng kasalanan. (JC Cahinhinan)