Pagsabog sa Bilibid, posibleng pagkontra ng mga inmate sa demolisyon – BuCor

Naniniwala ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na may kaugnayan sa isinasagawang demolisyon ng mga awtoridad sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang nangyaring pagsabog ng improvised explosive device sa Quadrant 4 ng Maximum Security Compound, Biyernes ng umaga sa Muntinlupa City.

Ayon kay BuCor spokesperson Major Alberto Tapiru, malaki ang posibilidad na ang nangyaring pagsabog ay pagpapakita ng pagkontra ng mga inmate sa ginagawang demolisyon sa loob ng pambansang piitan.

Sinabi ni Tapiru, wala namang nasawi o nasaktan sa nangyaring pagsabog sa loob ng Quadrant 4, east sector ng Maximum Security Compound.

Inihayag pa ni Tapiru na dadamihan pa nila ang mga magbabantay sa isinasagawang demolisyon para maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Matapos ang pagsabog sa isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakarekober ng dalawang granada at dalawang blasting caps sa mga kubol na inookupa ng mga presong terorista gaya ng Abu Sayyaf, Maute ISIS, Rajah Solaan Group at iba pa na katabi lamang ng pinangyarihan ng pagsabog.

Samantala, base naman sa pahayag ni outgoing National Capital Region Police Office Director Police Major General Guillermo Eleazar, posibleng sinadyang iniwan o tinanim ang nasabing pampasabog.

Sinabi ni Eleazar na patuloy pa rin silang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa naganap na insidente.

“Inaalam pa po natin kung iyan ba ay sinadya, kasi po pag gabi ay hindi maiwasan na makalusot kasi iski-iskinita ‘yung lugar, hindi ko nga po alam kung bakit ganyan ang nangyari diyan sa loob ng NBP, kung titignan mo ‘yung mga kubol at maraming illegal structure diyan, kahit saan puwede kang lumusot, kaya hindi po natin alam itong nangyari kung ito ba ay makakasira sa mga personnel o nanakot lamang ba,” sabi ni Eleazar.

Pahayag pa ni Eleazar, na nakakabahala ang nangyaring pagsabog at posibleng mayroon pang nakatanim o naiwan na pampasabog sa loob ng Bilibid dahil dito aniya ay nagpapatuloy pa rin ang clearing operation sa mga piitan upang matiyak na wala nang makakalusot na anumang kontrabando.

“Kinausap ko na po ‘yung mga personnel doon na kailangan mag-ingat dahil hindi po natin alam baka may mga nakatanim pang bomba doon,” dagdag pa ni Eleazar. (armida d. rico)