Matigas na inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela ‘Bato’ Rosa na hindi nito maaaring hadlangan ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung papangalan ang mga celebrities na sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Dela Rosa, hindi siya maaaring magpasya kung dapat bang ibunyag o hindi ang mga pangalan o pagkakilanlan ng mga showbiz personalities na dawit sa illegal drug trade na nakapaloob sa hawak na listahan ng Pangulo.
Una nang hiniling ni Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino (KAPP) president Rez Cortez kina Pangulong Duterte at Dela Rosa na huwag nang ilantad o ibunyag ang mga pangalan ng mga showbiz personalities na sangkot sa illegal drug trade para hindi na masira ang kanilang career na iniidolo ng mga tao partikular ng mga kabataan.
Hirit ni Cortez na handa naman silang makipagtulugan para kausapin o pasukuin ang mga artistang nasa drug list para makapagpa-drug test at hinihingi lamang nila ang tamang proseso para rito.
Dito inamin ni Cortez na mayroon naman talagang mga artista ang sangkot sa iligal na droga at sa katunayan ay maraming artista na rin silang natulungang tumalikod sa paggamit ng iligal na droga.
Matatandaan na ibinunyag ni dating VACC chairman at incoming Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Martin Diño sa isang press conference sa Quezon City na mahigit 50 celebrities ang kabilang sa panibagong drug list na hawak ngayon ng Pangulo.
Tahasang ibinunyag ni Diño na karamihan sa 50 celebrities ay pawang mga drug users at mahigit naman sa 10 ang nagsisilbing mga drug pushers.