Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang pagsasara ng operasyon ng ABS-CBN ay hindi agad makakaapekto sa trabaho ng 11,000 mangggawa nito.
Mayroong umano mga magagamit na paraan ang mga empleyado para magpapatuloy na magtrabaho bukod sa mga karapatan sa mga pamantayan ng paggawa, ayon sa pahayag ni Bello.
Iniutos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN na itigil ang pagsasahimpapawid sa mga channel sa TV at radyo nito matapos na mag-expire ang franchise ng network sa May 4. Ang ABS-CBN ay nag-off air nitong Martes ng gabi bilang pagsunod sa utos.
Sinabi ni Bello na tiwala siya na ang isyu ay malulutas sa naaangkop na mga patakaran at regulasyon.
Sakop ng kautusan ng NTC ang 42 ABS-CBN television stations, kabilang ang flagship Channel 2, 10 digital broadcast channels, 18 FM stations at 5 AM stations, kasama ang DZMM radio. (Mina Aquino)