Malapit nang ipasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga bus terminal sa EDSA.

Ito’y makaraang apru­bahan ng Metro Manila Council ang isang reso­lusyon na nagbabawal nang isyuhan ng business permit ang lahat ng mga public utility bus terminal at operator at iba pang pampublikong sasakyan na nasa kahabaan ng Edsa.

Sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim na ang inaprubahang regulasyon ay ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara lahat ng bus terminal sa EDSA.

“Ang target natin ay tanggalin ang lahat ng bus terminals sa EDSA at i-relocate sila sa labas ng Metro Manila para mabawasan ang bigat ng daloy ng trapiko,” ani Lim.

Mahalaga aniya ang papel ng mga lokal na pamahalaan para sa pag-aalis ng mga bus terminal dahil sila ang nagbibigay sa mga ito ng business permit na kailangan para makapag-operate ng negosyo ang isang establisimiyento.

Aniya, irerekomenda ng MMDA ang pagsasara ng mga bus terminal sa Abril sa koordinasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

“Magsasagawa tayo ng dry run pagkatapos ng Semana Santa sa Abril para makapaghanda ang mga operator at mga pasahero,” paliwanag naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia.

Sa kasalukuyan ay itinatayo na ang ilang terminal para sa mga provincial bus na mula sa hilaga at timog ng Metro Manila, kabilang ang isang terminal sa Valenzuela City at sa Sta. Rosa, Laguna.

“Umaasa kaming sa Hunyo ay maipapasara na ang lahat ng bus terminals sa Metro Manila,” ani Garcia. (Armida Rico/Shiela Marie Paderan)