Nag-urong-sulong ang pagsasara ng Tandang Sora Commonwealth flyover dahil sa pag-angal ng ilang opisyal ng Quezon City government.

Kaya imbes na isara ito ngayong araw Pebrero 23 ay inatras ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang naunang plano sa kahilingan ng lo kal na pamahalaan ng Quezon City.

Dahil naatras ay gagawin na lamang sa Marso 2, Sabado nang gabi ang pagsasara.

Ang flyover sa Tandang Sora ay isasra para bigyang-daan ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7.

Paliwanag ni MMDA General Manager Jojo Garcia, ang anim na araw na postponement ay magbibigay ng sapat na panahon para ipaalam sa iba’t ibang stakeholders ang nakatakdang pagsasara na makakaapekto sa 100,000 motoristang dumadaan sa Commonwealth Avenue gayundin sa 3,000 motoristang gumagamit ng Tandang Sora intersection.

Kaya naman kumilos na mga opisyal ng QC at nagsagawa ng information dissemination sa pangunguna ng mga kapitan ng barangay sa lungsod.

Sinamantala rin ng local government unit ang panahon para walisin ang lahat ng obstructions, kabilang ang mga sasakyang iligal na nakaparada at mga illegal vendor sa Luzon Avenue, Visayas Avenue, Congressional Avenue at iba pang alternatibong ruta.

Maganda naman pala ang hangarin ng pagpapaliban ng pagsasara ng Tandang Sora flyover.

Pero ang sa akin lang mukhang na­ging OA ang Quezon City government sa kanilang pagharang.

Unang-una matagal na itong inanunsyo kaya sana nagkaroon sila ng inisyatibo para alamin ng maaga ang gagawin at hindi kung saang deadline saka eeksena.

Well nanaig naman sila at pinakinggan sila ng MMDA at ilang ahensya ng gobyerno na responsable sa proyekto.

Ang isa pang hindi maganda sa pangyayari ay ang lantarang paggamit ng mga mapagsamantalang politiko sa pangyayari.

Hayun may ilan ang nagpapapogi dahil naging bahagi daw sila ng pagharang sa proyekto.

Feeling yata nila ay bumango na sila sa kanilang mga botante kasunod ng pagsuspendi sa pagsasara ng nasabing flyover.

Pasensya mga QC local official naka­kagalit nga kayo dahil hindi ninyo nagawang makipag-ugnayan sa MMDA at DOTr nang maaga sapagkat mas­yado na kayong abala sa pamumulitika.