Pagsasara sa Boracay, suportado ni Koko

aquilino-koko-pimentel

Idineklara ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang kanyang pagsuporta sa plano nina Interior Secretary Eduardo Año at Tourism Secretary Wanda Teo na pansamantalang isara muna ang isla ng Boracay sa mga turista.

Inatasan sina Año at Teo, kasama na rin si Environment Secretary Roy Cimatu, ni Pangulong Rodrigo Duterte na umaksiyon para sa rehabilitasyon ng Boracay sa loob ng anim na buwan.

“Lohikal lamang na isara muna ang Boracay para sa mga renobasyon nito. Dapat nating mai­ngat na aralin ang pinsala nito sa lokal na kapaligiran at gawin ang mga nararapat na hakbang para sa cleanup. Higit na magiging madali at epektibo ang proseso kung walang mga turista roon,” sabi ni Pimentel.

Layunin ng panukala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) na isara ang tanyag na isla sa buong daigdig mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 31.

“Batid ko ang hirap nito sa gagawing pagsasara ng isla sa loob ng dalawang buwan pero pansamantala lang naman ito. Kalaunan ay makabubuti ito para sa lahat ng mamumuhunan gayundin ang mga tu­rista na nagtutungo roon upang makita ang likas na kagandahan ng isla,” pahayag ni Pimentel.

Idiniin ng lider ng Senado na hindi na bago ang pagsasara ng isang tourist destination upang maipreserba ito dahil naunang isinara ang isla ng Koh Tachai sa Thailand noong Mayo 2016 para sa kahalintulad ding mga dahilan.

Tinawag ni Duterte ang Boracay na isang “cesspool” para sa mga isyung pangkapaligirang hinaharap nito sanhi ng maramihang pagdagsa ng mga turista at paglaki ng mga negosyo sa isla.