Hinikayat ni Sen. Bam Aquino ang da­lawang ahensiya ng gobyerno na tigilan na ang sisihan sa pagtaas ng presyo ng asukal sa merkado.

Ito ang panawagan ni Sen. Bam sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI). Imbes na magsabong, dapat ay magtulungan ang dalawang ahensiya upang matigil ang pagtaas sa presyo ng asukal kahit na may stable na suplay at mababang presyo sa millgate.

Ayon sa reeleksyunis­tang senador, marapat lamang na siyasatin ng Department of Agriculture ang akusasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na may manipulasyon kaya’t tumataas ang presyo ng asukal.

“Huwag na tayong magsisihan. Magkaisa sana tayo para maprotektahan ang mga mga kababayan nating kumokonsumo ng asukal,” ayon kay Bam.

“Dapat talagang tingnan ang isyung ito dahil hindi produksiyon ang nakikitang problema kundi may nangyayaring manipulasyon ng ilang tao na nais makinabang mula rito,” sabi pa nito. (Anne Lorraine Gamo)