Nagsimula na nga sa pag-arangkada ang Viva Films at sinimulan na ang 34 films na balak nilang i-release this year. Katatapos lang ipalabas ng “Nightshift” ni Yam Concepcion at may kasunod na agad na pelikula, ang “Untrue” starring Xian Lim and Cristine Reyes na nagkaroon na ng presscon kahapon.

Dahil ang ginagampanan nina Xian at Cristine ay Pinoy migrants sa Georgia, talagang pumunta pa sila sa nasabing bansa para mag-shoot.

Halos lahat ng mga eksena ay kinunan sa Tbilisi, ang capital ng Georgia, kung saan, tiniis nila ang matinding ginaw.

Bumagsak daw sa -1 degrees Celsius ang temperatura doon na naging malaking hamon para sa kanila.

“Ang lakas ng hangin, drama pa ‘yung ginagawa namin, ang hirap talaga,” sabi ni Xian.

At dahil “Untrue” nga ang titulo ng movie, natanong si Xian kung may time ba na naging untrue siya sa girlfriend na si Kim Chiu or lahat ba halos ay totoo ang kanyang sinasabi.

“I think naman, dapat sabihin. You have to be true to your partner. Wala naman akong ma-recall na one particular time (na naging untrue kay Kim). But yeah, definitely, in general, dapat true ka,” sagot ni Xian.

Kahit white lies lang, wala?

“Kung white lies, well, siguro,” sey niya.

Singit naman ni Cristine, “‘yung white lie na kunyari tinanong siya kung naligo siya or hindi.”

Natawa si Xian. “Mga ganu’n, mga maliliit na bagay. ‘Yung white lies naman, huwag na nating isali.”

Natanong din ang dalawa kung paano ‘pag ang partner naman nila ang naging untrue sa kanila at kung napagdaanan na ba nila ito.

Umamin naman si Cristine na napagdaanan na rin niya ito pero dahil daw do’n ay matututo ka.

Ano ang ginawa niya nang matuklasan niya na naging untrue sa kanya ang minamahal niya?

“Siyempre, initial reaction was magagalit ka, tapos magtatanong ka, ‘bakit, bakit?” Tapos ending, kailangan mo ring patawarin ‘yung tao para ‘yung sarili mo, gumaan din ang pakiramdam,” sagot ni Cristine.

Kinumpirma rin ni Xian na naranasan na rin niya ang maging untrue ang kanyang partner pero mas maganda raw kung pag-uusapan muna ang lahat bago gumawa ng desisyon.

“Pero kung wala na talaga…”

Showing na ngayong Feb. 19 ang “Untrue” mula sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo. The movie is a co-production of Viva Films and IdeaFirst.

Lani-Bong payag iprodyus ni Jodi

Isa si Sen. Bong Revilla sa mga artista (at kahit pa nga nasa politics na rin siya) na malapit sa entertainment press kaya naman hindi siya nakakalimot talaga na magpatawag ng get-together every now and then.

Kahapon nga ay nagpa-thanksgiving naman siya sa entertainment press dahil sa suporta sa kanya simula pa noong eleksyon at hanggang ngayon.

Sey nga niya, at home na at home raw siya kapag kasama ang press people na matagal niyang nakasama sa industriya at kailanman ay hindi raw siya pinabayaan.

Of course, kasama rin ni Sen. Bong kahapon na humarap sa press ang kanyang butihing maybahay na si Bacoor Mayor Lani Mercado. Both have been busy lately dahil nga sa Taal Volcano eruption at halos araw-araw ay may relief operation sila.

Kuwento nga ni Lani, they have adopted 400 families na naging biktima ng Taal eruption at nag-allot daw ang local government ng P3.5M para sa lahat ng nasalanta kasama na ang mga pamilyang kinukupkop ng Cavite.

Siyempre, natanong si Sen. Bong tungkol sa kanyang pagbabalik-showbiz at aniya ay tuloy-tuloy na raw ito this year dahil magsisimula na siyang mag-taping ng kanyang bagong fantasy series sa GMA-7 ngayong Feb. Ayaw pa niyang sabihin ang mga makakasama niya dahil baka any moment daw ay may mabago pa’t abangan na lang daw ang announcement at magkakaroon naman daw ng presscon din.

Bukod dito ay naghahanda na rin siya sa comeback movie niya na kanyang ipo-produce, hopefully ay makasama sa Metro Manila Film Festival sa Disyembre. Ito nga ‘yung napapabalitang ang magiging leading lady niya ay si Maine Mendoza pero hindi pa niya kinumpirma kung sino ba talaga ang kanyang makakapareha.

“Matagal na naming hinanda ang proyekto na ‘yun pero sorpresa muna ‘yun. Basta ‘yung proyekto, pinaghandaan namin at ‘yung effects,” sey niya.

Biglang napag-usapan ang mga bagong producer ngayon na nakakatulong para sumigla ang ating movie industry at na-mention si Jodi Sta. Maria, who as we all know ay producer na ngayon. Natanong ang mag-asawa kung papayag ba sila sakaling kunin sila ng aktres at sagot naman nila, bakit naman daw hindi.

“Why not? Puwede ko rin siyang kunin sa pelikula ko, ‘di ba?” sey ni Sen. Bong.

Dagdag pa niya, “I have nothing against Jodi. She’s a very nice person. Noong nandu’n ako sa loob ng CRAME, dumadalaw sila no’n. Napakabait niya. Saludo rin ako sa kanya.”

Revilla may tampo sa ABS-CBN

Isa pang tanong kay Sen. Bong ay tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN lalo pa nga’t malapit na ang end of contract sa Marso.

“Ang masasabi lang natin diyan, nasa House pa ‘yan. Kasi hangga’t hindi pumapasa ‘yan sa Kongreso, kahit na ipasa namin siya sa Senado, hindi pa rin valid.

“So, kailangan, mag-emanate ‘yan sa House at pag naaprubahan ‘yun do’n, sa tingin ko, saka namin ‘yan ita-tackle sa Senado,” pahayag ni Sen. Bong.

Kasunod nito ay may rebelasyong pinakawalan ang aktor/politiko. He revealed na may tampo pala siya sa ABS-CBN.

“Ako, personally, based on my experience, marami akong tampo sa ano (network) na ‘yan, pero maninindigan ako sa tama. Kailangan, sa tama tayo manindigan,” he said.

Inurirat na siya ng press kung ano-ano ba ang tampo niya sa ABS-CBN pero panay tawa na lang si Sen. Bong at hindi na niya sinagot pa.

“Saka na lang ‘yun,” natatawa niyang sabi. “Basta ang puso ko, para sa mamamayang Pilipino,” sambit pa niya.