(Una sa 4 na serye)
Tapos ang di’ magandahang ipinakita ng ating national women’s indoor volleyball team sa nakaraang 30th Southeast Asian Games PH 2019, kung saan wala tayong naipanalo sa apat na laro para pumang-apat at mangulelat, kaliwa’t kanan ang mga naisulat.
Kung bakit ganoon ang nangyari at kung ano ang mga dapat gawin para ‘di na maulit ang masalimoot na kaganapan. Pero wala pang nalalathala na may malinaw at masusing pag-aaralang nangyari kung kaya ‘di rin naging malinaw ang mga mungkahi. Panay sisihan ang nababasa ko sa social media.
Kaya minarapat kong kumonsulta sa isang eksperto sa volleyball tulad ni coach Fabio Menta, na naatasan ng International Olympic Committee (IOC) at International Volleyball Federation (FIVB) na magturo sa iba’t ibang bansa kung paano bumuo ng pambansang programa mula sa wala.
Kasama ko rin sa natanong ang isang pang volleyball coach na si Gary Puno. Ang mga sumusunod at ang buong seryeng ito ay hango sa mga naibahagi ng dalawa sa kanilang mga blog, na naglalayong ihayag ang katotohanan at magbigay ng pag-asa sa lahat.
Unang nilinaw ni Coach Fabio na ‘di tamang sisihin ang dalawang volleyball commercial leagues sa Pilipinas kung bakit wala tayong naipanalong laro sa nakaraang buwan lang na SEA Games.
Klinaro niya na sa pangkalahatan, ang mga tao, tulad ng mga official, sponsors, manager, coach at mga manlalaro sa Philippine SuperLiga (PSL) at Premier Volleyball League (PVL), ginampanan lang ang kanilang mga tungkulin para kumita ng pera. Kaya nga aniya league ang tawag sa kanila. Kundi wala mang paki ang dalawang liga sa pag-unlad ng PH volleyball, asam nila ang una ang makapagbigay ng aliw para sa mga manonood, at makaakit ng sponsors, walang masama rito!
Kaya tigilan na natin ang pagsisisi sa PSL at PVL. Ang pagtuunan natin ng pansin ay ang tunay na isyu.
Isa pang nilinaw ni Fabio ay salungat sa sinasabi ng marami, ‘di rin ang kawalan ng pagkakaisa ang dahilan kung bakit masama ang ating ipinakita sa SEAG. Ang kailangan natin ay pambansang pagpaplano!
Ang paglikha ng taunang pambansang plano para sa palakasan ay tungkulin ng mga pambansang pederasyon, tulad ng PH Olympic committees at national sports association. Ito ang mga grupong dapat magtaguyod ng mga pundasyon para umani tayo ng mga tagumpay sa bawat kompetisyon na ating salihan. Sila ang lilikha ng ating kinabukasan!
Alam ko kung gaano kahirap mapagsama ang maraming grupo o tao para magkasundo sa iisang desisyon. Lalo na sa Pilipinas! Lalo na kapag may perang sangkot! Kundi magkasundo ang mga grupong ito sa iisang plano at kalendaryo, ipapaalala lang ng pedeasyon na kailangan nating sumunod sa kalendaryo ng FIVB kung gusto nating makilahok sa mga kompetisyon sa labas ng bansa.
Tulad nang kinagawian na ng mga bansang matagumpay sa sports. Kung kailangan pilitin ang mga liga natin, pilitin! Para naman ito sa bayan natin. Kung gusto, maraming paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.
Kamakailan lamang, ganito ang ginawa ng Chinese Taipei. Kinansela nila ang 12 laro sa kanilang kalendaryo para makapaghanda ang national team nila para sa Tokyo Olympic Qualifier.
Sa kasalukuyan, number 32 sa mundo ang Taiwanese na may 24 milyong tao, apat ang sponsor sa volleyball, dalawang liga na may 10 koponan para sa kalalakihan at kababaihan.
Kung ang Chinese Taipei ay naghahabol para makalahok sa Tokyo Olympics, ang mga beterano nating manlalaro naman ay naguguluhan pa rin kapag nasa loob ng volleyball court at idadahilan nalang na kaya tayo natalo sa SEA Games ay dahil sa kawalan ng pagkakaisa. Natalo tayo dahil ‘di tama ang ginagawa natin kapag tayo’y naglalaro!