Pagsulong ng indoor volleyball sa ‘Pinas

(Ika-2 bahagi ng serye)
Itutuloy ko po ang serye kung paano natin dapat isulong ang pag-unlad ng indoor volleyball sa Pilipinas na hango sa blog ni coach Fabio Menta.

Uulitin ko lang na walang kasalanan ang dalawang commercial leagues natin ngayon sa volleyball sa masamang katayuan ng sport na ito sa ating bansa.

Ang pambansang pederasyon para sa volleyball ang magiging susi para sa tagumpay at kinabukasan natin sa paligsahan.

Sila ang magbibigay direksyon para magkaroon tayo ng pambansang master plan at hindi isang koponan para sa volleyball!

Sila ang magpapatupad ng isang malinaw na sistema at hindi lang isang kalendaryo para sa volleyball!

Sila ang magpoproseso ng mga scientific data at hindi mga pampersonal na relasyon!

Sila ang susi para magkaroon tayo ng mga national center at pambasansang kultura para sa volleyball tulad ng ginagawa ng mga ibang pede­rasyon sa ibang bansa.

Kung walang linaw sa kikilalanin nating pambansang pederasyon, malabo rin kung saan tayo patutungo. Sino nga ba ang ating pambansang pederasyon sa volleyball – ang LVPI o ang PVF o may iba grupong kailangang likhain?

‘Di ba tayo nagsasawa na paulit-ulit lang ang ginagawa nating paghahanda para sa SEA Games, na ‘di naman kalakihang pandaigdigang kompetis­yon sa volleyball?

Magpapa-try outs para sa pambansang koponan, magtatatag ng isang koponan, ipapadala ang koponan sa Japan o Thailand o South Korea para maghanda, babalik sa Pilipinas na may panga­kong mananalo ng medalya.

Pero matatalo lang tayo at maghahanap ng dahilan para magpalusot sa kabiguan. Uulitin ko rin na kaya tayo natalo sa nakaraang SEA Games ay dahil sa kawalan ng kaalaman at kakulangan ng pagmumulat ng ating koponan sa makabagong pandaigdigang paglalaro ng volleyball.

Napag-iwanan na tayo ng mga karatig bansa natin, ‘di natin akalaing mas gagaling pa sa atin sa volleyball ang Vietnam. Nakalimutan (o kinalimutan) din natin ang paghahasa ng mga manlalaro sa mga probinsya. Masyadong nasentro lahat sa Maynila.

Dapat gastusan natin ang mga manlalaro sa probinsya, na malaki ang potential, para mag-aral ng makabagong paglalaro ng volleyball. (Itutuloy)