Ang lupit ng isang inihaing ordinansa sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon, agaw-pansin.
Paanong hindi makakaagaw ng pansin, imbes na isulong ng mga halal na opisyal ng lungsod ang isang komunidad na walang nagsusugal ay mistulang isasalegal pa ng pamahalaang lungsod ang pagsusugal.
Ito ay dahil sa inihaing ordinansang tinawag na ‘Responsible Gambling Ordinance of 2017’.
Alinsunod sa nilalaman ng panukala na ang isang may-akda ay si Councilor Ivy Lagman ang lahat ng makokolektang gambling fee ay mapupunta sa special fund para sa mga proyekto ng QC government at kampanyang nagbababala sa mga residente ng masamang epekto ng pagsusugal, kabilang dito ang pagse-set-up ng 24/7 help line para sa mga gambling addicts.
Malinis naman pala ang layunin ng ordinansang ito.
Ayon sa Konsehala, habang nga naman nagbebenepisyo ang mga may-ari ng pasugalan dahil sa limpak-limpak na salaping nakukubra dahil sa pagkatalo ng mga manunugal dapat ay may parte rito ang pamahalaan na ipantutulong naman sa mga nagumon sa kanilang mga pasugalan.
Nakasaad sa ordinansa na ang mga gustong magsugal sa loob ng 24-oras ay sisingilin ng P1,500 bukod pa sa may babayarang P30,000 taunang membership fee.
Ang hakbanging ito ng QC government ay naglalayong sugpuin ang pagsusugal ng mga taga-QC.
Sa kanila ay maaring ganito ang kanilang rason sa paniningil ng ‘gambling fee’ sa mga manunugal.
Pero kahit anong pagpapaganda ng kanilang tawag o layunin sa inihaing ordinansa ay malinaw na ito ay upang gawing legal ang pagsusugal sa QC.
Hindi kaya may kaugnayan ang hakbang na ito ng QC government sa planong pagtatayo ng malaking casino sa lungsod?
Aba’y kapag nagkataon, tiba-tiba ang QC government at malamang sa hindi ay hindi lang mga taga-QC balang araw ang kanilang sisingilin kundi maging ang mga dumadayong manunugal.
Malaking kita rin ito sa pamahalaang lungsod na walang katiyakan ang kapupuntahan ng makokolektang mga fees dahil malinaw naman sa palabas ng QC government na gagamitin nila ang makokolekta bilang special fund.
Masyado tayong allergic sa special fund na ito dahil daig pa ng mga konsehal ang mga congressman sa usapin ng pagba-budget na hindi naman malinaw kung saan-saan napupunta.
Kaya dapat bantayan ang panukalang ito dahil mukhang gagawin lamang gatasan ng Konseho ng Quezon City, katulad ng kanilang ginawang pagpapanukala sa mga malls na ibenta ang bawat plastic bag na makokonsumo ng kanilang mga mamimili imbes na libre.
Ano na kaya ang nangyari sa koleksyon sa ‘plastic bag reduction policy’ ng QC government, nagagamit nga ba ng mga barangay at city government ang koleksyon sa bawat plastic bag na sinisingil sa mga mamimili? Anu-anong environmental projects related na ba ang tinustusan ng ordinansang ito?
Dapat ipaalam ito sa lahat, dahil taumbayan ang pumasan sa dapat ay gastusin ng mga supermarkets at iba pang pamilihan na pagkakaloob ng libreng sisidlan ng mga pinamili kagaya ng plastic bag.
Hindi naman maaring gawa nang gawa ng ordinansang mapagkakakitaan ang QC government pero wala namang proyektong nakikita!