Ang pagtanggal sa ‘scholarship’ ng mga aktibistang mag-aaral sa ilalim ng Universal Access to Quality and Tertiary Education Act (UAQTEA) o Free Tuition Law (RA 10931) ay iligal at may katapat na parusang pagkakabilanggo ng anim na buwan hanggang isang taon at multang P20,000 hanggang P100,000.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang orihinal na may-akda ng batas sa Kamara, dalawang kondisyon lamang ang isinasaad sa Section 6 ng batas para tanggalin ang scholarship: 1) kabiguang makumplerto ang kurso sa loob ng isang taon pagkatapos ng kaukulang taning sa kursong pang-kolehiyo, at pagbagsak sa anumang aralin o ‘subject’ sa kursong ‘technical-vocational’ sa loob ng taning na programa nito, at 2) hindi pagtupad sa ‘retention policies’ ng paaralan.
Inayunan ng mambababatas ang malawakang pagkontra sa panukala ni National Youth Commission chairman Ronald Cardema na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng lumalahok sa protesta laban sa pamahalaan na mismong si Pangulong Duterte ay hindi sinang-ayunan. Tanging ang dalawang kondisyong naturan lamang, at walang ibang probisyon ang batas na maaaring gawing dahilan para bawiin ang schoilaship, dagdag niya.
Nilagdaan ng Pangulo ang Free College Law na itinuturing ng marami na pamana ng administrasyong Duterte noong 2017. Umiiral na ito ngayon sa 112 state colleges and universities (SUCs) at 87 local universities and colleges (LUCs) na binigyan na ng akreditasyon ng Commission on Higher Education (CHED), habang mga 1,000 naman sa 1.710 pribadong mga pamantasan at kolehiyo ang nagsisimula ng makinabang sa ilalim ng batas.
Ang bawal lamang sa free truition ay ‘yung mga diploma na sa kolehiyo o kursong ‘technical-vocational’ na katumbas ng National Certificate III o mataas pa, at ‘yung mga bumagsak sa dati nilang kurso.