Nakakalungkot ang pagkakatuklas sa isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na konektado sa bandidong grupong Abu Sayyaf.
Malinaw na pagtataksil sa bayan ang ginawa ng babaeng opisyal ng ating kapulisan na si Superintendent Maria Cristina Nobleza na nakatalaga sa PNP Crime Lab ng Police Regional 11 at sinasabing lover ng isang bomb expert na kaanak naman ng mga lider ng ASG.
Si Col. Nobleza ay inaresto dahil sa tangkang pag-rescue sa ilang sugatang galamay ng ASG sa engkuwentrong nangyari sa Bohol noong Semana Santa.
May natuklasan ding mga sangkap sa paggawa ng bomba sa apartment na nirentahan ng opisyal sa Bohol na lalong nagpatibay ng kanyang koneksyon sa ASG.
Kaya sana ay magsilbing panggising ito sa liderato ng PNP para regular na i-background check ang kanilang mga miyembro na katulad ni Nobleza ay naliligaw ng landas at nagagamit ng masasamang elemento ng ating lipunan para maghasik ng kaguluhan.
Walang kapatawaran sa mata ng bayan ang ginawang ito ng babae pa man ding opisyal ng ating kapulisan.
Ang koneksyon ng babaeng opisyal sa ASG ay walang pinag-iba sa ibang opisyal at miyembro ng kapulisan at militar na nauugnay sa iba’t ibang uri ng sindikato katulad ng ilegal na droga, carnapping, robbery at iba pang masasamang elemento sa ating lipunan na ang layon ay magkamal ng sandamakmak na salapi at kapangyarihan.
Nakakabahala ang pangyayaring ito pero sana ay kumilos ang PNP upang tuluyang mawalis ang mga katulad ni Nobleza na kumukubli sa kanilang uniporme para mapagtakpan ang kanyang kalokohan at pagtataksil sa sinumpaan niyang tungkulin bilang isang alagad ng batas na tagapagtanggol ng bayan.
PNP- Pag-ibig Na Panganib