Pagtatalo nauwi sa pananaksak sa Nueva Ecija

BONGABON, Nueva Ecija — Nagkakulitan, nag-away hanggang napatay sa saksak ng isang amain ang sariling pamangkin noong Biyernes sa Brgy. Curva sa bayang ito.

Sa ulat ni PS/Inspector Nestor Fabro nakilala ang biktima na si Jaypee Baltazar Morales, 24, na nagtamo ng saksak sa dibdib na kagagawan ni ­Ernesto Cambe Ferry, 36.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Calosa na alas-11:30 ng gabi nang magtalo ang salarin at biktima na humantong sa trahedya ng pananaksak gamit ang kitchen knife na tinarak sa dibdib ng biktima na ikinamatay nito.

Isinalaysay ni Jayson Morales, kapatid ng biktima, na nangungulit ang kanilang amaing suspek na nakainom ng alak noong sandaling iyon.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspek patungong Brgy. Lusok.