Inuulan ngayon ng batikos si Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa patuloy na pagtatanggol sa mga tauhan ng Manila Police District Station 1 (MPD-Station 1) na nasa likod ng kontrobersiyal na ‘secret jail’ ng mga drug suspects.
Hindi lang pagdepensa sa mga tauhan ang ginawa ng pinuno ng PNP kundi nagbato rin ito ng akusasyon sa Commission on Human Rights (CHR) na nakadiskubre sa sikretong selda.
Banat ng PNP chief, sinadya umano ng CHR na itaon sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang inspeksyon upang ipahiya ang gobyernong Duterte.
Dahil sa ganitong mga banat ng PNP Chief ay kuyog ang kanyang inabot sa kamay ng mga halal na mga opisyal ng gobyerno gayundin sa kanyang mga kritiko.
Isa sa hayagang kumontra sa pagdepensang ginawa ng PNP chief sa mga sinibak na tauhan ng PNP ay si dating PNP chief at ngayo’y Senador Panfilo Lacson.
Hindi nagustuhan ng Senador ang pagtatanggol ni Dela Rosa sa kanyang mga tauhan sa MPD kaya’t nagpahayag ito ng “ewan ko nga bakit ganu’n naging comment niya. Plain view pa lang, kahit wala nang magbigay ng salaysay, kita na natin na may violation of law. In short, he’s defending the indefensible.”
Sang-ayon kami sa paniniwalang ito ng dating PNP chief, ang sa amin sa halip na tumodo agad ng suporta sa mga inaakusahang mga tauhan, mas mainam na nagpa-imbestiga muna siya sa ibinabatong alegasyon.
Ang isang mabuting pinuno o lider ay hindi sarado ang pag-iisip. Bukas ang isipan nito at nag-iimbestiga muna bago naglalabas ng isang konklusyon sa isang isyu.
Kaya sana ay makita ng pinuno ng PNP ang pinaghugutan ng galit ng kanyang mga kritiko.
Nauunawaan nating kailangang ipagtanggol ng PNP chief ang kanyang mga tauhan bilang kanilang pinuno subalit kailangan pa rin niyang pairalin ang pagiging malawak, ang pagiging patas upang hindi lumabas na nang-aabuso na ay mabuti pa rin sa kanyang paningin.
Nakakabahala kasi ang ganitong klaseng pagtrato sa mga tauhan dahil sa halip na mapatino ang hanay ay lalo lamang silang nagkakasungay at ang resulta ay ang lalong pagkasira ng imahe ng ating kapulisan na pinipilit iangat pero hindi magawa-gawa bunsod ng ilang pasaway.