Dear Kuya Rom,
Ako at ang asawa ko ay parehas na nakatuon sa paghahanapbuhay at pagpapalaki sa aming dalawang anak. Mahal ko siya at mahal niya ako. Mahal din namin ang mga bata, lagi kaming kasama sa mga school activities nila, na halos wala na kaming oras sa isa’t isa.
Minsan nang nanonood kami ng palabas sa TV, may tumawag sa akin. Kailangan kong tumayo, lumayo sa sala, para marinig ang kausap ko. Isang kaibigan ko ang kailangan ng alalay dahil biglang yumao ang kanyang mister. Madalas na may call and text siya sa akin at kailangang sagutin ko para hindi siya nalulungkot.
Nagulat na lang ako nang mapansin kong masama ang tingin sa akin ng mister ko, na parang gusto niyang sabihing tigilan ko ang pakikipag-usap sa kaibigan ko. Bigla siyang nagdabog at nanahimik at hindi ko alam kung bakit.
Parang nagseselos siya, as if may relasyon kami ng kaibigan ko. Pati babae pinagseselosan niya. Hindi naman ako tomboy. Sampung taon na kaming nagsasama at wala akong ginagawang kalokohan. Alam niyang mabuti akong babae.
Pero ngayon, parang wala siyang tiwala sa akin. May kailangan ba akong gawin para patuloy na magtiwala ang asawa ko sa akin? — Minda
Dear Minda,
Bigyan mo ng pansin ang mga bagay na nararapat unahin. Ang tawag sa mga ito sa English ay priorities. Bukod sa paghahanapbuhay, mahalagang isapuso mo ang iyong priorities.
Una, ang relasyon mo sa Diyos at panalangin. Pangalawa, ang relasyon mo sa iyong asawa at romansa. Pangatlo, ang presensiya mo sa buhay ng inyong mga anak. Ilagay mo sa huli ang iyong mga kaibigan.
Ibig sabihin, mamuhay ka ng may balansiyadong pagtingin sa iyong mga priorities. Hatiin mo ang iyong oras sa bawat priority para wala kang makaligtaan o mapabayaan.
Araw-araw, manalanging patuloy na bigyan ka ng Diyos ng karunungan upang magawa mo ang lahat na mahalaga. Pahalagahan mo ang romansa, ang relasyon mo sa iyong mister.
Bigyan mo ng oras ito. Gawin mong priority ito para maiwasan ang selos ng asawa mo.
Kung totoong wala kang ginagawang kalokohan, unawain mong maaaring may pinanggagalingan ang nararamdamang selos ng mister mo. Hintayin mo ang sandaling nasa masayang mood ang mister mo. Ito ang mabuting oras para kausapin siya.
Tanungin mo siya tungkol sa relasyon ng kanyang ama at ina noon. May pagtataksil ba sa angkan nila? Kung mayroon, ito ang posibleng ugat ng kanyang pagseselos. Ang selos niya ay hindi dahil wala siyang tiwala sa iyo, kundi dahil sa mga nakaraang pangyayari at karanasan na nananatili sa kanyang isip.
Idalangin mo sa Diyos na nawa’y kumilos Siya sa buhay ng iyong asawa para mabunot sa isip ng mister mo ang ugat ng selos at pagtibayin ng Diyos ang relasyon ninyong mag-asawa. Manalig kang sasagutin ng Diyos ang iyong kahilingan. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom