Ang nakikita naming kawangis ng sikat na banyagang TV host na si Oprah Winfrey dito sa atin ay si Angel Locsin.

Iniidolo namin si Aling Oprah dahil sa kagandahan ng kanyang puso. Mas marami itong tinutulungan sa likod ng mga camera kesa sa hayagan nitong binibigyan ng ayuda sa kanyang programa.

May libro kami ni Oprah Winfrey, ipinabili namin ‘yun sa kaibigan naming si Vangie Caperal Aleemi na ilang dekada nang naninirahan sa Virginia, USA, pareho kaming fanchita ng magaling na TV host at may-ari na ng isang network ngayon.

Bahaghari ang kulay ng kanyang buhay. Napakarami nitong paghamong nilampasan, ang masakit na panglilibak sa kanya bilang Black American nu’ng bata pa lang, pero ang mga karanasang ‘yun ang nagpatibay sa kanyang dibdib sa paglaban sa buhay.

Sabi ni Aling Oprah, ang pinakamabisang armas sa paglaban ay ang pagsesemyento ng palibot ng ating puso, kapag nga naman matibay na ang pundasyon ng ating dibdib ay wala na tayong hindi kakayanin.

Ang bagyo ay magiging ambon na lang. Ang matinding lagnat ay magiging sinat na lang. Ang mga paninira ay parang pagkukot na lang natin ng butong-pakwan dahil hindi na natin pahahalagahan.

Sinsero ang kanyang pagtulong dahil mas matindi pa sa mga inilalapit na problema sa kanya ang nagpatatag sa kanyang damdamin.

‘Yung mula sa pusong pagtulong na ganu’n ni Oprah Winfrey ay nakikita namin ngayon kay Angel Locsin.

Bagay na bagay sa dalaga ang kanyang pangalan. Isa siyang anghel na walang pakpak na ipinadadala ng langit para sa mga kababayan nating kapuspalad at may matinding pangangailangan sa buhay.

Ginagawa niya ‘yun nang bukal sa kanyang kalooban, wala siyang pinipili, hindi selektibo ang kanyang puso sa paghahandog ng mga biyaya.

Nagkaroon ng giyera. Nangwasak ng buhay at kabuhayan ang matinding bagyo. May pumutok na bulkan. At may salot ngayon na pumupuksa nang nakaparaming buhay sa buong mundo.

Sa lahat ng kalamidad at sitwasyong nabanggit ay ramdam na ramdam ang mapusong presensiya ni Angel Locsin. Puso niya ang nagdidikta sa pagtulong, wala siya ni sa hinagap lang na pangarap na maging lingkod-bayan, maligayang-maligaya ang kanyang puso sa pagsisilbi sa mga nangangailangan.

Pinagpaguran ni Locsin binigay sa mga frontliner

Abalang-abala ngayon si Angel Locsin sa pagbabalangkas ng mga pansamantalang tirahan ng mga frontliners sa pagsugpo sa COVID-19.

Ang kaligatasan ng mga doktor, nursers, nursing aide at ng iba pang mga kababayan nating nagtatrabaho sa mga ospital ang kanyang pinagmamalasakitan.

Kakambal ng malasakit na ‘yun ang mga pamilya ng mga frontliners na napakalaki ng posibilidad na kapitan ng mikrobyo dahil sa kanaturalan sa pagtupad ng propesyong sinumpaan nila.

Nananawagan ang aktres sa kanyang mga kapwa artista at sa mga kababayan nating may sobra-sobra sa buhay. Mga teheras, kumot, unan, upuan at mga kagamitan sa pagtulog at pamamahinga ang kanyang hinihiling.

Naglalabas ng sarili niyang pera si Angel Locsin. Pinaghirapan niya ang halagang ‘yun sa pagpupuyat at pagpapagod sa pagiging artista.

Hindi ‘yun mula sa ating buwis, personal niyang pinagsakripisyuhan ang perang ginagamit niya sa pagtulong, napakadakila ng puso ng dalagang ito.

Sana’y marami pang Angel Locsin na ipinanganak sa mundo. Sana’y maging buhay na modelo siya ng mga taong punumpuno ang bulsa pero parang bilanggo naman na hindi malayang naglalabas ng mga biyaya.

Sabi nga ni Aling Oprah, “We go as we come into this world. In the end, nothing is ours to keep.”