Inamin ni PBA commissioner Willie Marcial na wala pang konkretong mapagdesisyunan kung kailan itutuloy ang season.
Sinuspinde ang Philippine Cup noong March 11 – pangalawang play date pa lang ng 45th season – dahil sa coronavirus.
May enhanced community quarantine hanggang April 14 (temporary schedule ng lifting), nabanggit na noon ni Marcial na hindi agad maitutuloy ang mga laro – posibleng two weeks pa bago makabalik.
“Ligaw pa rin kami, hindi namin makita kung paano. Hinihintay lang namin kung ano mangyayari dito bago kami mag-desisyon,” anang PBA chief.
Samantala, sa isang radio interview ay sinaluduhan ni Marcial ang players, coaches at team owners na nagpapaabot ng tulong habang naka-quarantine.
“Tuwang-tuwa po tayo at nagpapasalamat kami sa players, coaches, team owners, sa governors na tumulong,” aniya.
Nabanggit niya ang mga ayuda nina coach Jeff Cariaso, Calvin Abueva, Vic Manuel, Jio Jalalon, Ryan Arana, Abu Tratter, Paul Desiderio.
May mga tahimik ding tumutulong na binanggit si Kume.
“Si June Mar, hindi lang sinasabi pero namimigay din ‘yan. Si LA (Tenorio), si Beau (Belga),” lahad niya. “Hindi lang nakikita na nagbibigay sila. Basta makatulong lang kami ‘yun ang mahalaga, ang sinasabi nila.” (VE)