Pagtulungan nating iangat ang kalidad ng edukasyon

Mahalaga ang mga pag-aaral na isinasagawa ng mga international agency hinggil sa sektor ng edukasyon dahil ang resulta ng mga ito ang ginagamit na basehan ng kalakhang polisiya at direksyon ng mga patakarang binabalangkas tungo sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo sa bansa.

Mula sa resultang naitala sa Programme for International Student Assessment (PISA) na isi­nagawa ng Organization for Economic Co-ope­ration and Development (OECD) na nilahukan ng Pilipinas noong 2018 bilang bahagi ng Quality Basic Education Reform Plan, napagtanto na ng pamahalaan ang basehang bahagdan ng edukasyon kung ihahambing sa pandaigdigang batayan. Ito ang magiging sukatan si­mula ngayon kung gaano kaepektibo ang mga repormang ipinatutupad ni Sec. Liling Briones at ng Department of Education (DepEd).

Bilang kalihim ng gabinete, itinataya natin ang buong suporta ng pangasiwaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bagong inisyatibo ng DepEd upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Kinakatawan ng paninindigang ito ang pagkilala ng Pa­ngulo sa edukasyon bilang pinakamabisang susi para mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan.

Ngayong linggo, mapalad tayong masaksihan ang paglu­lunsad ng ‘Sulong EduKalidad’ o ‘Sama-samang Pagsulong ng EduKalidad’ Program ng DepEd para katawanin ang pagsuhay ng administrasyon sa kampan­yang ito dahil hangad ng ating pamahalaan na lalo pang paangatin ang kalidad at estado ng ating edukasyon na ang layunin ay mapantayan ang mga nangungunang programang pang-edukasyon sa mundo pagdating ng araw.

Batid natin ang laki ng hamon. Ngunit, dahil sa resulta ng mga pag-aaral ng PISA na nagbibigay sa atin ng si­yentipikong basehan ng polisiya, lalo pa nating mapag-iibayo ang mga hakbang upang makamit natin sa lalong madaling panahon ang positibong katayuan.

Ang positibong pagtataya nating ito ay nakaangkla rin sa patuloy na pagtaas ng net enrollment rates (NER) sa kindergarten, elementary, junior at senior high school, na umaabot sa 94.2% at 76 percent.

Tumataas din ang bahagdan ng cohort survival rate (CSR) at completion rate ng bansa, samantalang ang naitalang dropout rates natin ay papanipis na sa primary at secondary level. Mula 2015 hanggang 2017, ang primary CSR ay tumaas ng 93.7% at ang secondary level naman ay tumaas ng 85.6% — samantalang ang completion rate ay tumaas ng 92.4% sa primary le­vel at 84.3% sa secondary level.

Sa kabila ng mga positibong numero sa edukasyon, nagsisilbing pinakamalaking hamon sa pamunuan ni Secretary Briones ang pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo at mga leksyong natutunan ng mga mag-aaral. Ito ang nagbunsod sa pamahalaan na ilunsad ang Sulong EduKalidad, na nakabatay sa siyentipikong datos, dumaan sa pananaliksik at maingat na pagbabalangkas.

Kabilang sa mga hakbang na nakatakdang isa­gawa ng Sulong EduKalidad ay ang pagrepaso sa K-12 curriculum upang ito’y ma­ging mapagtugon; pagbabago sa learning environment ng ating mga mag-aaral; paghikayat ng pakikilahok at suporta ng pribadong sektor, nga lokal na pamahalaan, komunidad at ci­vil society; at pagpapatupad ng mga programa na nakatuon sa pagpa­pahusay ng kasanayan at pagdagdag ng kahusayan ng mga guro upang matugunan ang mga kasulukuyang kakulangan.

Mayroong tayong mga mapagkukunan upang magkaroon ng katuparan ang progra­mang ito. Mapalad tayo dahil siyento por siyentong nasa likod ng prog­rama ang pangasiwaan ng ating Pangulo. Pagtulungan nating makamit ng ating kabataan ang kanilang buong potensiyal sa paraan ng edukasyon.