editorial cartoonNananatiling mataas ang bilang ng mga Pinoy na naniniwalang tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipinangako noong panahong nangangampanya ito para sa 2016 elections kasabay ng nalalapit na isang taon sa liderato ng gobyernong Duterte.

Alinsunod sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong Marso 25-28, 1 sa bawat 2 Pinoy o 53 porsiyento sa 1,200 respondents sa survey ang nagsabing umaasa silang maisasakatuparan ang lahat o karamihan sa mga pangakong plataporma ni Duterte.

Bagama’t mataas ay bumaba ito mula sa dating 63 porsiyento mula sa isinagawang survey noong Hunyo nu’ng nakaraang taon at 56 porsiyento ng Setyembre nu’ng nakaraang taon.

Gayunman ay tumaas sa 47 porsiyento ang nagsasabing iilan lamang o walang magkakatotoo sa mga ipinangako ni Duterte.

Ang optimism rate naman kay Pangulong Duterte ay tumaas ng 13 puntos sa Mindanao habang nabawasan sa Luzon at Visayas.

Nananatiling mataas ang tiwala ng taumbayan sa Duterte administration na isang positibong indikasyon para patuloy na bigyang katuparan ng gobyerno ang mga ipinangako sa publiko.

Ibig sabihin na sa kabila ng kadalasang sabi-sabi ng karamihan na huwag nang asahan ang mga ipinapangako ng mga pulitiko tuwing eleksyon ay mistulang hindi ganito ang paniniwala ng taumbayan.

Kaya dapat itong samantalahin ng gobyernong Duterte, tuparin ang mga ipinangakong pagwalis sa ilegal na droga, kriminalidad at korapsyon bilang kabayaran sa tiwalang ibinigay ng nakararaming Filipino noong nakalipas na halalan.

Ang sa amin, tuparin lamang ng gobyerno ang tatlo sa nabanggit na pangako ay maituturing nang tagumpay at sapat-sapat na itong kabayaran sa pagkakaluklok kay PDu30 sa poder bilang Pangulo ng bansa.