Pagtutol sa pag-abroad ng mga health worker pinagtanggol ng Palasyo

Binigyang-katwiran ng MalacaƱang ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin na lamang sa bansa ang mga health professional kaysa magtrabaho sa ibang bansa na mayroong malaking panganib ng coronavirus disease 2019.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may kapangyarihan ang Presidente na pigilan ang paglabas ng health professionals sa bansa lalo na kung malalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga ito.

Batid aniya ng gobyerno na malakas ang demand ngayon ng health worker sa mga bansang Amerika, Italy at Spain subalit ang mga bansang ito ang may pinakamataas na kaso ng kontaminasyon sa COVID pandemic.

“That’s pursuant to the general welfare clause. It is an exercise of police power because the primary basis of the President’s concern is that these people are going to the most dangerous places as far as COVID-19 is concerned,” ani Roque.

Ayaw aniya ng Pangulo na magkaproblema ang medical professionals at malagay sa peligro ang buhay kapag nahawa sa COVID19.

Ito aniya ang dahilan kaya hiniling ng Pangulo sa Department of Justice na tingnan kung walang malalabag sa batas sakaling huwag payagang umalis sa bansa ang medical at health workers.

“I think its a valid exercise of power, but he is still exploring it,” ani Roque.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Duterte ang pagbubukas ng Amerika ng oportunidad para sa mga health worker para magtrabaho doon dahil kinukulang ng Estados Unidos ng mga tauhan dahil sa mataas na bilang ng mga kaso ng tinamaan ng COVID-19.(Aileen Taliping)