Kasunod ng deklarasyon ng “state of lawless violence” ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ay nilinaw na ang magiging saklaw lamang kautusang ito ay ang pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na humingi ng suporta sa Sandatahang Lakas para tulungan ang Philippine National Police (PNP) bunsod ng nangyaring pagsa­bog sa Davao City na ikinamatay ng may 14-katao.

Sa ilalim ng “state of lawlessness” o “state of lawless violence” ay may kapangyarihan ang Presidente ng Pilipinas bilang commander-in-chief lalo na sa ilalim na Konstitusyon na magdeklara kung ano sa tingin niya ang dapat gawin sa pagsupil sa karahasan.

Ibig sabihin, walang dapat ipangamba sa deklarasyong ito ng Pangulo ng bansa dahil malayung-malayo ito sa usap-usapang “Martial Law”.

Ito ay dahil sa kabila ng deklarasyon ng “state of lawlessness” ay mananatili pa ring iiral ang lahat ng civil at political rights ng taumbayan.

Ayon nga kay San Beda Law Dean Father Ranhilio Aquino, nasa discretion ni Pangulong Duterte kung ano ang gagamiting katawagan na dapat na­ting irespeto dahil wala naman itong sinisikil na kalayaan sa panahon ng pag-iral ng state of lawlessness.

Kaya sa ganang amin, paniwalaan natin ang payak na layon ng deklarasyon ng Pangulo. Huwag na nating bigyan ng kulay upang makapokus ang lahat sa paghabol sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa Davao na ikinamatay ng maraming inosente nating kababayan.

Para sa amin, may tamang panahon ng pagbatikos sa gobyerno pero kung sa ganitong sitwasyon naman na nasa balag ng ala­nganin ang seguridad ng buong bansa sana naman ay maging mahinahon tayo at makipagtulungan na lamang  sa mga kinauukulan dahil para rin ito sa kaligtasan nating lahat.