julius-segovia

Kilala ang bayan ng Amadeo sa probinsya ng Cavite sa produkto nitong kape. Lagi nila itong ibinibida sa taunang Pahimis Festival. Nasa ikalabing walong taon na ito ngayong 2019.

Sa mga taga-Amadeo rin nagmula ang salitang ‘Pahimis’ na ang ibig sabihin ay pasasalamat o thanksgiving. Ayon sa mga nakatatanda, naka­gawian ng mga coffee farmer noong unang panahon doon na ipamigay nang libre ang huling sako ng ani nila sa paniniwalang maghahatid ito ng suwerte sa susunod na harvest season.

Layon din ng seleb­rasyon na hikayatin ang mga taga-Amadeo na muling mahumaling sa coffee farming.

Sa­yang naman ang mahigit 4,500 hectares ng coffee farmland sa bayan kung hindi tataniman.

Sa pamamagitan din ng taunang Pahimis, naipo-promote ang Cavite coffee hindi lang sa buong lalawigan kundi sa buong mundo.

Mas lalong pina­tingkad ng street dan­cing at stage presentation ang pagdiriwang ng Pahimis Festival ngayong taon.

Mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa bayan ang sumali. Hindi alintana ang ma­tinding sikat ng araw. Buong puso pa rin nilang ipinamalas ang kanilang talento sa pagsasayaw. Game na game sa pag-indak ang bawat kalahok.

Bukod dito, nagkaroon din ng trade fair, variety show at cultural presentations para mas maaliw ang mga bisita ng bayan na mula pa sa malalayong lugar.

Ang sa akin lang, tala­gang masayang makiisa sa pagdiriwang ng mga pista. Dito natin naipakikita at nala­laman ang yaman ng kultura at paniniwala ng bawat bayan.,