Pahinante na-sandwich sa trak, poste

Patay ang isang pahinante matapos na ito ay madaganan ng kanyang sinasakyang truck na tumagilid sa tinaguriang Quezon killer highway sa bayan ng Atimonan kamakalawa nang gabi.

Dead on-the-spot ang biktimang si Lolito Osabel Dela Rama, 57-anyos, matapos na ito ay maipit sa pagitan ng fourteen-wheeler truck at poste ng kuryente sa Maharlika highway new diversion road, sakop ng Brgy. Santa Catalina.

Ayon sa Atimonan police, nawalan ng preno ang truck habang pababa sa highway na patungong direksyon ng Bicol alas-8:30 nang gabi.

Sumalpok muna ang trak sa mga burol na nasa gilid ng highway kaya nahulog at nadaganan ang biktima.

Tumakas naman ang hindi nakilalang driver ng truck at iniwan ang pahinante matapos ang aksidente. (Ronilo Dagos)