PAIN NG NLEX WALANG KUMAKAGAT

yeng-guiao

Wala pa ring kumakagat sa offer na trade ng NLEX.

“Ballboy na nga lang hinihingi namin sa ibang teams, ayaw pa ring ibigay sa amin,” biro ni Road Warriors coach Yeng Guiao. “Para lang matuloy, pero walang may gusto sa players namin.”

Tatlong teams raw ang kinausap ng NLEX para sa swap nitong nagdaang mga linggo, pero sarado ang pinto ng trade sa team ni Guiao.

Dahil dito, isasagupa ni Guiao sa PBA Commissioner’s Cup na sisiklab bukas ang parehong lineup na inalat sa unang conference nilang pagsasama-sama. Sa opening day ay toka ni Guiao at import niyang si Wayne Chism ang dati nilang pinanggalingang team na Rain or Shine. Bubuksan ng Mahindra at Meralco ang hostilidad sa mid-season tourney.

Pero hindi pa rin isinasara ni Guiao ang pamimingwit ng bagong recruits.

“Alam naman ng team na I’m always exploring trade options, ‘yun nga lang wala pang na-consummate,” aniya. “But we’ll see in the next few games. Kung nag-i-improve naman then there will be no move on our part. Pero kung wala pa ring improvement, then tuloy ang trade talks.”

Hindi na lang sinabi ni Guiao kung sinu-sinong players ang hinahabol niya, at kung sinu-sino ang handang pakawalan.

Sa season-opening Philippine Cup, nangulelat ang Road Warriors na naka-dalawang panalo lang sa siyam na laro.

“That’s why we opened up talks with other teams. Pero ‘yun eh nung pagkatapos namin sa Philippine Cup,” lahad ng coach.