PAINTERS KUMARIPAS SA FOURTH

Naipit nina Michael Miranda (harap) at Prince Caperal (likod) ng Phoenix, nakagawa pa rin ng paraan si Dior Lowhorn ng Rain or Shine para bumitaw sa basket. Tumabo si Lowhorn ng 26 points at 14 rebounds para ihatid ang E-Painters sa 106-89 panalo. (Patrick Adalin)

Naiwan ng 11 sa third quarter ang Rain or Shine, ibinuhos ang natitirang lakas sa fourth nang magsalansan ng 41 sa period para ipagpag ang makulit na Phoenix,106-89, sa Oppo PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Sa unang game, natakasan ng TNT Katropa ang Meralco, 98-95. Sa 2-0, inakbayan ng Texters sa lead ang San Miguel Beer at Mahindra. Laglag sa 2-1 ang Bolts.

Jumpshot ni Prince Caperal sa 2:55 ng third period ang nagbigay sa Fuelmasters ng 70-59 lead na matiyagang tinapyas ng Elasto Painters para bumawi mula sa 101-98 defeat sa TNT noong Myerkules.

“Phoenix gave us a scare all the way to the fourth. They’re a good team, they just lack experience and that’s where our advantage is,” komento ni RoS coach Yeng Guiao. “Phoenix, they’ve been consistent. One of these days they’re not gonna break apart, they’re not gonna collapse and beat teams.”

Puminta si import returnee Dior Lowhorn ng 26 points at 14 rebounds at tig-isang steal at block sa 35:51-minute job.

May hagod pang 18, 14 at 13 sina JR Quinahan, Gabe Norwood at Jerico Cruz para sa E-Painters, umakyat sa sixth kasalo ang bakanteng NLEX.

Sina Norbert Torres, Caperal at Ronjay Buenafe ang mga nagpilit ilaban ang Fuelmasters sa paghahagilap ng unang W, pero wala pa ring pamatay na pormang nailaladlad si Marcus Simmons na may pitong puntos lang at 11 boards. Baon ang Phoenix sa 0-3.

Samantala, inihayag ng liga ang starters ng North at South na binoto ng fans sa All-Star Game ng 28th PBA All-Star Weekend sa Agosto 7 sa Big Dome rin.

North starters ni Guiao sina Mark Caguioa, Terrence Romeo, Calvin Abueva, Mark Pingris at Japeth Aguilar, sa South ni coach Leo Austria sina James Yap, Scottie Thompson, June Mar Fajardo, Gregg Slaughter at Joe Devance.