Gerald best player talaga

In fairness ay wala naman daw nag-boo kay Julia Barretto sa Star Magic All-Star Games 2019 sa Araneta Coliseum nu’ng Sunday.

Kuwento ng source namin na nanood sa Big Dome, wala namang tensyon sa event at lahat ay masaya lang. Maging si Gerald Anderson ay tinilian pa rin ng fans.

Kapansin-pansin na parehong #3 ang suot na jersey nina Gerald at Julia, na binigyan ng ibang kahulugan ng fans.

May eksplanasyon agad dito ang madir ni Julia na si Marjorie Barretto. High school pa raw na volleyball varsity days ni Julia ay ‘yun na ang jersey number nito, so wala raw ‘yung special meaning.

Explain pa more si mudra. PAK!

Kinilig ang KathNiel fans dahil nandu’n si Kathryn Bernardo, na super-cheer sa boyfie nitong si Daniel Padilla na co-team captain ni Gerald sa red team.

Si Xian Lim ay nasa audience din para suportahan ang nobyang si Kim Chiu ng red team, na nakalaban ng blue team ni Julia sa volleyball.

Si Vice Ganda na captain ng blue team sa basketball ay agaw-eksena sa mga pakyut at paswit moments nito with rumored dyowa na si Ion Perez.

Very proud girlfriend si Vice na tumakbo sa court para yakapin si Ion nang maka-three points ito. Pati sa pagdi-dribble ng bola ay hawak niya ang kamay ni Ion.

Kahit nag-deny si Ion sa recent interview nito ay mas marami pa rin ang naniniwala na may relasyon talaga sila ni Vice, ayaw lang nilang aminin.

Pinakamalakas ang tilian ng Araneta kay Daniel at grabe ang hiyawan sa tuwing nakaka-shoot siya. May mga nagtsa-chant pa ng, “DJ! DJ! DJ!”
Nu’ng 4th quarter ay pinaglaro si Vice, na panay ang pakuwela sa court kaya tuwang-tuwa ang mga nasa Big Dome.

Kiyemeng guwardiyado ni Daniel ang bawat galaw ni Vice kaya inis na inis kunwari ito. Ilang beses tinawagan ng foul ng referee si DJ dahil sa close guarding nito kay Vice, na alam mo namang nang-aasar lang.

Si Zanjoe Marudo ng red team ay nasiko ni Eric Tai ng blue team kaya nagdugo ang bandang kilay ni Zanjoe.

Pagkatapos ng dalawang overtime ay nanalo ang red team ni Gerald (199) laban sa blue team ni Vice (109) na panay taga-“It’s Showtime”.

Si Gerald na tinaguriang ‘Pambansang Pakboy’ ang nakakuha ng MVP award.

Ibang level naman kasi talaga ang pagiging player ni Ge­rald. Kahit tanungin pa si Bea Alonzo. Ha! Ha!

Pukpukan ang labanan ng girls sa volleyball, na ang ending ay nadaig ng red team ni Kim (25) ang blue team ni Julia (21).

Sa new breed ng basketball ay panalo rin ang red team ni Jerome Ponce (46) laban sa blue team ni Elmo Magalona (42).