Isang airline ang sumaklolo sa ilang daang Filipino domestic helper na stranded sa Hong Kong matapos makabili ng pekeng tiket pauwi ng Pilipinas.
Nag-alok ang Cathay Pacific ng ‘distress fares’ sa overseas Filipino workers (OFWs) para lang makauwi sila sa bansa matapos hindi tanggapin ng mga airline company ang tiket na binili sa Peya Travel agency.
Handa umano ang flagship airline ng Hong Kong na gamitin ang mas malaking eroplano upang maisakay lamang ang mga domestic helper na gustong magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa bansa kasama ang kanilang pamilya.
Binanggit pa sa ulat ng South China Morning Post na kinontak nila ang Philippine Airlines at Cebu Pacific kung handa rin silang tumulong sa stranded na OFWs, pero wala pa silang natanggap na kasagutan.
Isang apektadong customer ng Peya Travel na si Gina Aplaon ang nagsabing bumili ng bagong tiket ang kanyang employer para lang matuloy siya sa pag-uwi ngayong Pasko.
Umaasa na lamang siya na pagbalik niya sa Hong Kong pagkatapos ng holiday season ay makukuha niya ang refund sa tiket.
Humingi naman ng pang-unawa ang management ng Peya Travel sa mga apektadong pasahero kasabay ng paliwanag na ang problema ay dahil sa ‘technical glitch’.