Humirit ang mga kompanya ng eroplano sa bansa ng P8.6 bilyon buwanang subsidy mula sa gobyerno dahil sa pagkalugi sanhi ng ipinatupad na lockdown sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa pagdinig ng Senate committee on public service, sinabi ni Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) vice chairman Roberto Lim na nangangailangan ang kanilang sektor ng wage subsidy na P1.3 bilyon kada buwan.
Kabilang sa mga airline company na miyembro ng ACAP ay ang Philippine Airlines (PAL), Cebu Pacific, at AirAsia Philippines.
“We pay about 500 million pesos to the civil aviation authorities monthly. This would consist of navigation charges, landing take-off (fees),” sabi pa ni Lim.
Bukod diyan, kinakailangan din ng industriya ng P6.8 bilyong working capital kada buwan para sa mga carrier.
“The total of that would be P8.6 billion per month,” dagdag pa nito.
Ibinunyag pa ni Lim na mahigit P5 bilyon na ang nalulugi sa kanila o tinatayang P250 bilyon hanggang sa katapusan ng taong ito dahil sa COVID-19 pandemic.
“In terms of performance, for the airline carriers we have a P5 billion loss. Based on the numbers. The losses will accelerate because until today there is absolutely no revenue generated by the local carriers,” sabi ni Lim.
Bukod diyan, namemeligro din ang trabaho ng mahigit 25,000 hanggang 500,000 manggagawang konektado sa aviation industry.
“In terms of employees, if you just add the regular employees that’s about 25,000, but if you add the associated entities that support the airline industry, it is estimated there will be about 500,000 jobs at stake,” sabi ni Lim. (Dindo Matining)