Dumating na sa Haneda Airport ang unang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) para sa repatriation ng mga Pilipinong sakay ng M/V Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan.
Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay sa kanyang Twitter account.
Sakay umano ng 2 (PAL) chartered flight ang may 400 Pinoy mula sa M/V Diamond Princess Cruise. Inaasahan ang pagdating nila sa Pilipinas kagabi ng alas-nuwebe at agad na dadalhin sa New Clark City upang isailalim sa quarantine.
Sa unang PAL plane sumakay ang 311 Pilipino at matapos ang tatlong oras at 44 minutong biyahe, dumating na rin ang ikalawang PAL plane para sa repatriation ng mga Pilipino sa cruise ship.
Ang boaring ng mga Pinoy passenger ay naisakatuparan sa tulong ng Japan Ground Self-Defense Forces (JGSDF).
Sa kasalukuyan, nasa 80 Pinoy na sakay ng Diamond Princess cruise ship ang nagpositibo sa COVID-19, sampu ang na-discharge na sa mga ospital sa Japan. Lahat ng mga pauwing Pinoy ay nasuri at lumitaw na negative sa virus.