PAL-Lucio Tan lugi ng P3B kada buwan

Naging triple na pagkalugi ni Lucio Tan sa Philippine Airlines (PAL) dahil sa COVID-19.

Ayon sa disclosure ng PAL sa Philippine Stock Exchange (PSE), P10.7 bilyon ang nalugi dito mula Enero hanggang Marso ng taong ito.

Base sa lumabas na impormasyon , P3.6 bilyon buwan buwan ang dinudugo nito sa lugi nitong first quarter ng 2020. Noong 2019, nasa P1 bilyon buwan buwan ang nalulugi sa kompanya.

Sinisi ng PAL ang pagkalugi nito sa travel restrictions sa buong mundo na ginawa dahil sa COVID-19 pandemic. Bumagsak ng 21.4% ang kita nito mula sa mga cancellation ng mga flight noon Marso at ang kita nito sa kabuuan ay bumagsak ng 18.3% noong first quarter ng taong ito sa P32.07 bilyon kumpara sa P39.2 bilyon na naitala noong first quarter ng 2019.

Kahit kumonti ang biyahe ng mga eroplano ng PAL, lumaki pa rin ang tinatawag na operating expenses nito ng 5.2% sa P38.63 bilyon. Palpak kasi ang pagtaya ng PAL sa naging galaw ng presyo ng gasolina kaya nagmahal ang gastos nito.

Sabi ng PAL, ‘hedging losses’ ang dahilan kaya nagmahal ang gastos nito sa gasolina dahil bumaba naman ang presyo ng langis sa buong mundo nang tumigil bumiyahe ang maraming mga eroplano.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagkalugi, sinabi ng PAL na pangangatawanan pa rin nito ang patuloy na pagbiyahe at pananatiling flag carrier ng bansa.

“Nevertheless, the group is committed to keep the flag carrier continuously flying in the safest condition even in the midst of COVID-19 pandemic,” sabi nito. At sa kabila ng matumal na biyahe, may inaasahang delivery ng isang eroplano ang PAL bago matapos ang taon. (Eileen Mencias)