Mayroong pananagutan ang airline company sa bagahe ng kanilang mga pasahero.
Ito ang binigyan-diin ng Manila International Airport Authority (MIAA) kaugnay sa reklamo ng insurance agent at Facebook user na si Ronnie Litiatco na naglaho ang mga dalang pamasko ng kanyang mga anak nang umuwi ang mga ito mula sa Estados Unidos para mag-Pasko sa Pilipinas.
“The thieves at NAIA are still manning their posts at the airport,” ayon kay Litiatco.
Kabilang aniya sa mga nawala ang pasalubong sa kanyang crocs na sapatos gayundin ang mga polo shirt na para sana sa mga kapatid at iba pang mga bagay sa kanilang bagahe.
Sabi ni Litiatco, nauna nang nagpahayag ang kanyang mga anak sa nasabing insidente ng nakawan sa NAIA pero pinayapa aniya ang mga ito at sinabihang hindi na kailangang alalahanin ang nakawan kaya lalo siyang naiinis sa sinapit ng mga anak sa NAIA.
Unang lumabas ang nasabing insidente sa TONITE noong Disyembre 31.
Ayon kay Litiatco, Philippine Airlines (PAL) na pag-aari ng bilyonaryong si Lucio Tan ang sinakyan ng kanyang mga anak.
Tinanong ng TONITE si PAL spokesperson Cielo Villaluna tungkol dito pero hindi ito nagbigay ng pahayag.
Ayon naman sa MIAA, nakipag-ugnayan na sila kay Litiatco para kuhanin ang detalye ng insidente pero inirekomenda rin nila dito na dumulog din sila sa PAL kung saan sumakay ang kanyang mga anak.
“The airline company is the one responsible for the carriage of passengers’ belongings, and not MIAA personnel,” ayon sa MIAA. (Eileen Mencias)