Isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) ang nabalahaw sa taxiway intersection ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Martes nang gabi na nagresulta sa pagkaparalisa sa nasabing bahagi ng paliparan.

Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), hindi bababa sa anim na flight ang na-divert sa Clark International Airport dahil sa pagbalandra ng PAL aircraft sa taxiway.

Galing ng Macau ang PAL flight PR 353 at nag-touchdown ito dakong alas-6:41 nang gabi.

Subalit habang bumabaybay sa taxiway, bumaon ito sa hindi pantay na aspalto.

“As the A321 aircraft was pas­sing through a rapid exit taxiway, its tire passed an uneven surface, causing it to get stuck,” ayon kay PAL spokesperson Cielo Villaluna.

Ligtas naman, aniya, ang mga pasahero at nakababa sa aircraft sa normal na proseso.

“We thank all the affected passengers for their patience and understanding. We apologize for the inconvenience,” ani Villaluna.

Dakong alas-7:24 nang gabi natanggal sa pagkabalahaw ang aircraft nang hatakin ito ng isang tow truck.

May apat na taxiway ang NAIA na maaaring daanan ng maliliit na aircraft tulad ng A320 hanggang sa malalapad na eroplano.

Sa taxiway dumadaan ang mga eroplano pagkalapag patungo sa apat na terminal ng NAIA. Dito rin sila dumadaan patungo sa runway para sa take-off.