PAL-Lucio Tan swapang! $150 singil sa booking cancelation

Inupakan ni Quezon Cong. Precious Castelo ang flag-carrier Philippine Airlines (PAL) ng bilyonaryong si Lucio Tan dahil sa umano’y pagsingil ng $150 o higit sa P7,000 para sa mga may nais mag-can- cel ng kanilang biyahe sa ibang bansa kahit pa umiiral ngayon ang Luzon-wide lockdown dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil sa banta ng COVID-19 virus.
Ayon kay Castelo, nakatanggap ang kanyang opisina ng kaliwa’t kanang sumbong sa kanyang nasasakupan dahil sa umano’y tagang cancelation fee na sinisingil ng PAL para sa kada pasahero kung sila’y mag-pasya na i-cancel o i-rebook muna ang kanilang nalalapit na overseas flights lalo na ang mga petsang pasok sa lockdown na kasalukuyang ipinapatupad ng Malacañang.

Wala dapat extracharges na sinisingil ang mga airline companies kagaya ng PAL ayon kay Castelo lalo na sa kasalukuyang sitwasyon na may umiiral na lockdown sa buong Luzon at suspendido ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan.

“(PAL) should allow full refund of cancelled tickets and free rebooking because it is not the fault of their customers that they are not proceeding with or postponing their trips,” paliwanag ni Castelo.

“The travel ban is forcing them to stay home. They should not be penalized for complying with government-imposed measures,” dagdag pa ng kongresista.

Hirit pa ng bagitong mambabatas, kung nagawa ng mga hotel booking site na i-libre ang mga customer na nag-cancel ng kanilang booking, walang dahilan ang PAL para maningil ng cancelation fee. (JC Cahinhinan)