PAL-Lucio Tan website nag-crash sa seat sale, CebuPac nadamay

Bumagsak ang system ng Philippine Airlines (PAL) ni Lucio Tan at Cebu Pacific ng mga Gokongwei kahapon nang tanghali dahil sa seat sale.

“Paasa kayo @flyPAL @CebuPacificAir,” tweet ni Markee Bañez kahapon na nagpuyat pa para mag-abang sa mga seat sale.
Sa mga screenshot na pinost niya, “currently undergoing maintenance” ang sabi ng website ng PAL at “we’ll be back shortly” naman ang sabi ng website ng Cebu Pacific.

“PAL PAC ang promo @flyPAL @CebuPacificAir,” tweet naman ni ­@naj­reainalies.

Hindi rin ma-access ng netizen na si Chris Dave Tan ang website ng PAL, mapa-cellphone pa o laptop ang kanyang gamitin. Ang nakikita lang ni Tan sa kanyang screen, “safari could not open the page because the server stopped responding.”

“Pardon Our Interruption…” naman ang lumitaw sa PAL website nang pinuntahan ito ng netizen na si Darwin Navida kahapon.

Pinapa-clear ng PAL ang kanilang browser history bago balikan ang website pero wala pa ring nangyari, sabi ni Navida.
Pinapa-clear din ng Cebu Pacific ang browser ng mga taong nagrereklamo dahil hindi nila ma-access ang kanilang website.

Ayon kay Cebu Pacific spokesperson Charo Logarta Lagamon, hindi sila nag-anunsiyo ng petsa ng kanilang seat sale ngayong Marso.

Nang mag-anunsiyo ang PAL at hindi ito ma-access ng mga tao, du­magsa naman sila sa website ng Cebu Pacific.

“Note that we have NOT officially announced any actual promo or seat sale,” dagdag pa ni Lagamon kahapon.

Iaanunsiyo ng Cebu Pacific ang seat sale bago ito magsimula at gagawin ito sa social media.

Sabi naman ni PAL spokesperson Cielo Villaluna, “there was a server issue but this was eventually resolved.”