PAL naghahabol sa aregluhan

Hinahabol ngayon ng Philippine Airlines (PAL) na maareglo ang kanilang utang sa unpaid navigational charges sa pamahalaan habang papalapit ang pagtatapos ng 10 araw deadline na ibinigay ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na gusto nang matapos ng PAL ang obligasyon nito na bayaran ang malaking pagkakautang pero hinihiling ng kompanya na gawing hulugan ang pagbabayad sa loob ng pitong taon.

Isinumite na ‘di umano ng PAL ang inaalok na compromise deal sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay ng P6.92 bil­yong unpaid navigational charges sa ahensya pero hindi pa ito binigyan ng kasagutan.

Nanindigan na ang DOTr na hindi sila papayag na hulugan ng PAL ang utang nito sa loob ng pitong taon dahil matagal na aniya ito at kailangan na talagang singilin ang PAL.

Nagbigay na ng final demand letter ang DOTr sa PAL at nagbabala ang kagawaran na magsasampa sila ng kaso oras na hindi nakatupad ang kompanya sa 10 araw deadline ng Pangulo.

Nauna nang binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang business tycoon na si Lucio Tan, may-ari ng PAL na kanyang ipapasara ang runway ng airport na nilalapagan ng mga eroplano ng PAL kapag nabigo itong bayaran ang utang.