PAL ni Lucio Tan wagi sa liquor excise tax refund

Kinatigan ng Court of Tax Appeals (CTA) en banc ang Philippine Airlines (PAL) ni Lucio Tan tungkol sa tax refund na hinihingi nito mula sa Bureau of Internal Reve­nue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) para sa inangkat nitong alak.

Ibinasura ni CTA Presiding Justice Roman del Rosario nitong Hunyo 18 ang motion for reconsideration ng BIR at BOC tungkol sa amended decision ng CTA en banc noong Pebrero 13, 2018 kung saan sinabi nito na entitled ang PAL sa tax refund para sa alak na inangkat nito at binalik sa division ang kaso para kuwentahin kung magkano ang refund na dapat ibalik sa PAL.

Ayon sa desisyon nu’ng Pebrero 13, sinabi ng CTA en banc na hindi pa nari-repeal ng mga batas na nagsapribado ng PAL ang tax exemption nito. Dagdag pa ni Justice Del Rosario, ang Korte Suprema na mismo ang nagsabing entitled ang PAL sa refund sa ilalim ng Presidential Decree 1590 dahil hindi na-repeal ng Republic Acts 8424 at 9334 ang tax exemption nito.

Sabi pa ni Justice Del Rosario, halos pareho lang ang kasong kanilang dinidinig sa kasong dinesisyunan ng Korte Suprema at nagkaiba lamang ng panahon at petsa.
Sa June 18 decision, sinabi ni Justice Del Rosario na walang bagong isyu na ibinigay ang BIR at BOC para pagbigyan ng CTA en banc ang hi­ling nitong motion for reconsideration. ­