PAL taranta kay Digong binayaran agad ang utang

Hindi na pinaabot ng Philippine Airlines (PAL) hanggang sa Disyembre ang malaking pagkakautang sa gobyerno matapos magbayad kahapon ng tumataginting na P6 bilyon.

Sa report ni Department of Transportation (DoTr) Secretary Arthur Tugade sa Malacañang, inayos na ng kumpanya ni Lucio Tan ang atraso sa gobyerno kahapon.

Sa maiksing pahayag ni Presidential Communications Operations Officer Secretary Martin Andanar, buong-buo ang ibinayad ng PAL na anim na bilyong piso sa DOTr.

“Update Phil Airlines paid this afternoon the full six billion pesos. Good afternoon Chief. -From Sec. Art Tugade,” ang maiksing mensahe ni Andanar.

Matatandaang noong huling linggo ng Setyembre ay nagbigay ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte kay Lucio Tan na bayaran sa loob ng 10 araw ang malaking pagkakautang sa buwis sa gobyerno kung ayaw nitong mapagsarhan ng runway ang kanyang mga eroplano.

Nakiusap naman ang kampo ni Tan na babayaran ang utang hanggang sa buwan ng Disyembre , subalit napaaga ito ng isang buwan.

Dinala ni Atty. Clara de Castro, PAL Vice-President for Legal Affairs ang mga tseke sa tanggapan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Pasay City.

Ang tseke na nagkakahalaga ng P5,677,887,615 ay itinurn-over kay CAAP Chief Accountant Raul Eusebio, habang ang isa pang tsekeng nagkakahalaga ng P258,594,230.33 ay itinurn-over kay Manila International Airport Authority (MIAA) Assistant general manager for Finance and administration Arlene Britanico.

Ang nabanggit na hala­ga ay para sa mga hindi nabayarang air navigational charges ng PAL sa gobyerno simula 1970 hanggang July 2017.