Mga laro sa ngayon (The Arena San Juan)
4:00 p.m. — Creamline vs. BaliPure
6:30 p.m. — Pocari Sweat vs. Perlas

Aminado si Pocari Sweat head coach Rommel Abella na nagkumahog ang kanyang mga bataan sa service receive kaya sadsad agad ang koponan sa kanilang unang dalawang laro.

“Prinaktis namin ‘yung service receive, palagi kasi kaming nagkakamali du’n,” saad ni Abella.

Hindi nasayang ang pagpupursige ng Lady Warriors, kumadena ang defending champions ng apat na sunod na panalo para makuha ang top spot sa 2017 Premier Volleyball League Reinforced Conference.

Ngayong araw, pakay­ ng Pocari Sweat na pahabain sa lima ang kanilang winning streak kontra Perlas na mala­king isda rin ang nabingwit. Parehong mataas ang kumpiyansa ng dalawa.

May kartang 3-2, dinungisan ng Spikers ang malinis na karta ng BaliPure sa huling laban.

Sasandal muli ang Perlas kina team captain Dzi Gervacio at Amy Ahomiro para patahimikin ang pamamayagpag ng Lady Warriors.

Magkakaldagan sa ­unang laro ang Creamline (2-3) at Water Defenders (3-1).

Hahatawin ng Cool Smashers ang back-to-back wins para makapasok sa Magic 4 ng six-team, double round ro­bin event.

Sampa ang top four teams sa best-of-three semifinals pagkatapos ng elimination round, magkakaldagan ang top seed at No. 4, magkatapat ang No. 2 at No.3.