Ang hirap talaga kapag ang isang bansa ay mahina ang kanyang army dahil tinakot-takot ng ibang bansa tulad ng ginagawa ng China sa Pilipinas kung totoo man na nagbanta ng giyera ni China President Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya minsan hindi mo maiwasang sisihin ang mga nagdaaang administrasyon muna kay dating Pangulong Corazon Aquino dahil simula nang mawala si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa kapangyarihan ay napabayaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bumagal ang modernisasyon ng AFP simula noong panahon ni Mrs. Aquino at ‘yung mga ipinagmamalaking armas ng Pilipinas noong panahon ni Marcos ay naglaho na parang bula o kundi hindi man naglaho eh hindi na in-upgrade.
Hindi mo rin kayang hindi sisihin ang mga dating opisyales ng AFP na corrupt na isa sa pangunahing dahilan ng paghina ng army natin. Sinu-sino ba ang mga corrupt na ‘yun? Nakakulong ba ang mga ‘yun?
Sa kasalukuyang administrasyon wala tayong naririnig na bibili tayo ng mga military hardware o magtatayo kaya tayo ng pagawaan ng eroplano, barkong pandigma para umasenso naman ang ating sandatahan lakas.
Walang kuwestiyon na magagaling ang mga sundalo natin pero kulang sila ng kagamitan dahil tumigil tayo sa pagpapaunlad ng ating AFP samantalang ang mga bansang nakapaligid sa atin ay panay ang pagpapalakas ng kanilang military tulad ng China.
May mga kontra din kapag pinag-uusapan ang modernisasyon ng AFP dahil wala naman daw tayong kaaway na ibang bansa. Parang maling pananaw dahil habang humihina ang ating AFP ay lumalakas naman ang loob ng ibang bansa tulad ng China.
Palagay ko, kung malakas ang ating AFP, hindi babalewalain ng China ang panalo natin sa United Nation Permanent Court of Arbitration na atin ang mga teritoryong sinakop ng mga Intsik sa West Philippine Sea.
Kaya malakas ang loob ng China na takot-takutin tayo ay alam nilang hindi malakas ang ating Sandatahang Lakas pero kung kumpleto ng military hardware ang ating bansa, magdadalawang isip ang China na gawin ang ginagawa nila ngayon sa atin.
Nagmumukha tayong kawawa sa China at lalong nakakaawa ang situwasyon natin dahil parang tinatanggap na lang natin ang ating pagkatalo dahil mayroon namang kapalit ang ating pananahimik… ang ipapautang nila sa atin na hindi natin alam kung magkakaroon ba ng katuparan.
Sana bigyan ng mataas na budget ang AFP at siyempre bantayan ang paggamit ng pondo para mabili na ang mga mabili at magkuwidaw ang China sa pananakot sa atin.
Tiyak din na tututulan ng China ang pagpapalakas ng AFP kung sakali tulad ng pagtutol nila noong bumili si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ng figther jet sa South Korea. Pero bakit ba, wala silang makialam sa internal affairs natin.
Kailangan ding malaman ng sambayanang Filipino ang kondisyon ng China sa mga ipapautang sa atin at kung magkano ang interes na babayaran ng mga susunod na henerasyon.
Kailangan ding sigurong malaman kung isa sa kondisyon ng China sa pagpapautang eh ang pananahimik natin sa West Philippine Sea at huwag i-modernize ang ating Santahang Lakas… ibang usapan na ‘yan!!! (dpa_btaguinod@yahoo.com)