Normal na ang sinumang tsamp ay bayani. Iyan si Hidilyn Diaz, ang sumikwat ng weightlifting silver sa Rio Olympics.
Hindi nga medalyang ginto pero ang kanyang silver ay kasingkislap na rin ng ginto.
Sa Olympics, anumang medalya’y simbolo ng maipagmamalaking tagumpay.
Mantakin: Si Hidilyn ay isa lamang sa halos 12,000 atleta mula sa 206 bansa na lumahok sa Rio. Ang masungkit niya ang 53-kg silver ay super pambihira.
Pero meron ding talunan na ipinagbubunyi. Hindi man tunay na bayani dahil talo, subalit sa bandang huli ay tila bayani na rin.
Iyan naman si Ricky Vargas.
Dahil sa parehong tigpas sa unang salang pa lamang sina Charly Suarez at Rogen Ladon, nagresayn si Vargas bilang pangulo ng boksing sa bansa.
“Kinikilala kong palpak ang aming programa,” buod ng kanyang pagreresayn. “Panahon na para iba naman ang mamuno at mabigyan ang iba ng pagkakataong ihain ang kanilang programa sa boksing.”
Palakpak kay Vargas. Nakatutulig dapat. Ilan ang katulad niyang opisyales natin ang may bayag para umamin ng pagkatalo?
Marami riyan, opisyal lamang para pampapogi, makadekwat ng salapi at sumampid sa mga biyahe abrod ng kanilang mga atleta.
Ang iba’y uugud-ugod na pero ayaw pa ring bumitaw sa puwesto.
Kung ako lang, sasabitan ko ng medalya si Vargas. Talo pero marangal. Umamin ng pagkatalo. Walang katulad.