PALASYO ‘DI NAUGA SA COUNTER STRIKE NI DE LIMA

Si Senator Leila de Lima habang nagbibigay ng kanyang panig sa pinasabog na eskandalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang forum kahapon sa Quezon City. (Art Son)

Hinayaan lang ng Palasyo ng Malakanyang na dumipensa at bumuga ng ngitngit si Senator Leila de Lima kasunod ng pinasabog na kontro­bersya ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa umano’y lover-driver ng lady lawmaker.

Sa pulong-balitaan kahapon, diretsahang sinabi ni De Lima na “kuryente” umano ang impormasyon ng Pa­ngulong Duterte laban sa kanya at nakahanda umano itong magbitiw sa puwesto kung talagang may matibay na ebidensya laban sa kanya.

Matatandaan na inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte ang “link” umano ng driver ni De Lima sa ilang persona­lidad na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) na sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, may karapatan ang sinuman na ipagtanggol ang sarili sa gitna ng kaliwa’t kanang kuru-kuro ng publiko.

“Anyone has the right to defend himself/herself before the bar of public opinion,” ani Andanar.

Sa kabila ng mga kontrobersya sa inilunsad na giyera kontra droga ay hindi naman aniya titigil ang pamahalaan sa pagdurog ng problemang ito.

“The war of this Administration against illegal drugs shall not be deterred,” dagdag ni Andanar.

Patunay na seryoso ang kasalukuyang gobyerno sa giyera kontra iligal na droga ay inanunsyo rin ni Andanar kahapon na sa Lunes ay ihahayag na nila kung anu-ano ang mga kaukulang kaso na ibabalandra sa ilang tinukoy na narco-generals sa hanay Phi­lippine National Police (PNP).

“The government will announce the charges that will be filed against some police generals this Monday,” ayon pa sa opisyal ng Palasyo.